Advertisers

Advertisers

Isko itinaas ang Jeepney subsidy sa P3,500 kontra taas presyo ng krudo.

0 157

Advertisers

Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes ng umaga, Marso 31, na itataas ng pamahalaang lungsod ang arawang subsidiya para sa mga jeepney driver mula P3,000 tungong P3,500. Ang dagdag na P500,  magmumula sa P661,000 na natipid mula sa unang araw ng operasyon ng programa noong Lunes.

Ayon kay Moreno, ang dagdag na tulong-pinansyal ay tugon sa P12 pagtaas sa presyo ng krudo na naitala noong Lunes, na maaaring makabawas sa garantisadong kita ng mga driver sa ilalim ng programang “Libreng Sakay.”



“Simula sa araw na ito, malugod kong iaanunsyo na ‘yung savings nating P661,000 kahapon ay idadagdag natin ngayong araw,” pahayag ng alkalde.

“Mga driver, dadagdagan ko po ng P500 ang bawat araw ninyo upang ma-offset ang pagtaas ng presyo ng krudo kahapon at sa mga susunod na araw,” dagdag ni Isko.



Ipapatupad ang itinaas na subsidiya sa natitirang mga araw ng programa, Martes, Marso 31, at sa susunod na Lunes, Martes, at Miyerkules.

“Sa kabuuan, mula sa P3,000 na ipinagkakaloob ng Lungsod ng Maynila mula sa buwis ng taumbayan, magiging P3,500 na po,” ani Moreno.



Nagmula ang anunsyo kasunod ng matagumpay na unang araw ng programa.

Umabot sa 129,665 pasahero ang napagsilbihan noong Lunes, gamit ang 1,038 jeepney na lumahok mula sa anim na distrito ng lungsod.

Ang P661,000 na natipid, sa halip na ibalik sa kaban ng lungsod,  direktang ibabahagi sa mga driver.

“Imbes na ilagay ko ulit ’yan sa libreta ng gobyerno, o, sa palad n’yo na lang bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng krudo kahapon at sa mga darating na araw,” paliwanag ng alkalde.

Nagtapos si Moreno sa isang mensahe ng pag-asa, na umaasang may darating pang karagdagang tulong para sa Maynila.

“Cross fingers, loobin nawa ng Diyos, may dumating na biyaya sa Lungsod ng Maynila, at siya namang aking ipagkakaloob agad-agad sa inyo,” pagwawakas ni Kois. (BP)