Advertisers

Advertisers

Legarda naghain ng Bayanihan 3: Power to the People Act para sa tunay na ginhawa

0 7

Advertisers

NAGHAIN si Senadora Loren Legarda ng Senate Bill No. 2020 o ang Bayanihan 3: Power to the People Act, isang komprehensibong emergency measure upang protektahan ang mga pamilyang Pilipino mula sa pandaigdigang krisis sa langis ngayong 2026 at maglatag ng matibay na pundasyon para sa mas ligtas at matatag na ekonomiya.

Kinilala ng panukala ang estado ng pambansang emergency at nagbibigay sa pamahalaan ng tiyak at may takdang kapangyarihan upang pababain ang presyo ng langis at kuryente, tiyakin ang suplay ng pagkain, at magbigay ng direktang tulong sa pinakamahihinang sektor.

Binibigyan din nito ng maingat na awtoridad ang pamahalaan na makialam sa sektor ng enerhiya kung kinakailangan upang maiwasan ang pagkaantala ng suplay at mapatatag ang presyo, na may kasamang mga pananggalang at pagsusuri.

“Ang Bayanihan 3 ay naglalayong tugunan ang hirap na dinaranas ngayon ng mga Pilipino—lalo na ang mga jeepney driver, magsasaka, mangingisda, manggagawa, at mga pamilyang umaasa sa araw-araw na kita,” ani Legarda.

Isang mahalagang salient feature ng panukala ang dalawang antas ng pagpapatupad. Malinaw na inihihiwalay ng batas ang mga agarang kautusang pang-emergency sa Section 5 mula sa mga hakbang sa Section 6 na nangangailangan muna ng mabilis na pagsusuri bago ipatupad.

Sa ganitong disenyo, agad makakakilos ang pamahalaan kung saan may umiiral na awtoridad at sistema, habang masusing pinag-aaralan at inihahanda ang mas komplikadong reporma na nangangailangan pa ng legal, piskal, o operasyonal na batayan.

Nagpapataw ang Bayanihan 3 ng mas mahigpit na panuntunan sa pagiging bukas at malinaw sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga kompanya ng langis na ilahad ang detalyadong impormasyon sa kanilang presyo, gastos, imbentaryo, at transaksyon sa suplay.

Sa ganitong paraan, masusubaybayan ng pamahalaan kung makatwiran ang galaw ng presyo at matitiyak na ang anumang kaluwagan sa buwis o interbensiyon sa polisiya ay direktang mararamdaman ng mga mamimili.

Sa ilalim ng panukala, maaaring pansamantalang suspindihin o bawasan ng pamahalaan ang excise tax at magpatupad ng zero VAT rate sa mga produktong petrolyo, na may malinaw na kundisyon na ang mga kaluwagang ito ay agad at lubos na maipapasa sa presyo sa gasolinahan.

Inaatasan din nito ang paglilinis ng mga bayarin sa kuryente at binibigyan ng kapangyarihan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na ipagpaliban ang pagbabayad nang walang interes at multa, habang ipinagbabawal ang disconnection para sa mga halagang may bisa ang deferment.

Pinag-aaralan din nito ang patas na pagbabahagi ng pasanin, kabilang ang posibleng windfall tax sa sobrang kita at kontribusyon mula sa pinakamayayamang indibidwal, upang matiyak na ang may mas malaking kakayahan ay mas makatarungang nakikibahagi sa pambansang pagbangon sa panahon ng krisis.

“Simple lang ang gusto natin, kung may bawas sa buwis, dapat ramdam agad sa presyo sa gasolinahan; kung may tulong sa kuryente, dapat mabawasan ang bigat ng binabayaran kada buwan,” diin ni Legarda.

“Hindi dapat pahirapan ang mga tao sa panahong gipit na nga. Kailangang maramdaman ng bawat Pilipino ang ginhawa sa mismong bulsa.”

Naglalaan din ang Bayanihan 3 ng direktang subsidiya sa krudo na mula ₱5,000 hanggang ₱10,000 bawat buwan para sa kwalipikadong tsuper ng pampublikong sasakyan, maliliit na magsasaka at mangingisda, at maliliit na tagapaghatid ng produktong agrikultural, na nakaayon sa umiiral na mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nagbibigay din ito ng tulong pinansyal sa mga transport cooperative at iba pang apektadong operator upang mapatatag ang ruta at pamasahe.

“Sa mga tsuper na nag-aalangan kung lalabas pa ba dahil baka lugi lang sa krudo, sa mga magsasaka at mangingisdang nag-iisip kung sulit pa bang mag-araro o pumalaot, may nakalaan na tulong para sa inyo,” ani Legarda.

“Hindi puwedeng sila ang unang bumigay sa krisis na ito, dahil kapag bumigay sila, kawawa ang buong bayan, walang masasakyan, walang pagkain sa hapag.”

Kasama rin sa panukala ang mabilis na pagpaparehistro ng mga hindi pa nakatalang tsuper, magsasaka, manggagawang bukid, at mangingisda upang makakuha sila ng subsidiya.

Upang matiyak ang suplay ng pagkain, inaatasan ng panukala ang pagbubukas ng mga prayoridad na daanan para sa kargamento ng pagkain, pagbibigay ng exemption sa toll para sa mga sasakyang nagdadala ng mahahalagang produktong pagkain at agrikultural, at pinalawak na tulong sa krudo at pinansyal para sa mga prodyuser ng pagkain.

Pinahihintulutan din ang paggamit ng pampublikong lupa bilang mga community garden at urban farm, at hinihikayat ang mga LGU na bawasan o suspindihin ang bayarin sa palengke at renta upang maibsan ang pasanin ng mga nagtitinda at mamimili.

Higit pa sa agarang ginhawa, pinapabilis ng panukala ang paglipat sa mas matatag na sistema ng enerhiya.

Pinahihintulutan nito ang emergency procurement ng krudo at mabilis na pag-deploy ng renewable at off-grid energy systems para sa mga pampublikong ospital, paaralan, at iba pang mahahalagang pasilidad, kasama ang mandatory energy conservation sa pamahalaan, alternatibong work arrangements, at digitalisasyon ng frontline services upang mabawasan ang konsumo ng krudo sa transportasyon.

“Ang krisis na ito ay babala at pagkakataon,” ani Legarda. “Hindi tayo puwedeng manatiling bihag ng imported fossil fuel. Ang Bayanihan 3 ay hindi lang proteksiyon para sa ating mamamayan ngayon. Itinutulak nito ang mas malinis, mas ligtas, at mas independiyenteng kinabukasan sa enerhiya.”

Binibigyang-diin din ni Legarda na ang ikalawang antas ng mga hakbang sa Section 6 ay may mahigpit na 30-araw na palugit para sa pagsusuri ng pamahalaan. Inaatasan ang Ehekutibo na magsagawa ng mabilis na assessment at magsumite ng ulat sa loob ng 30 araw kung alin sa mga hakbang ang maaari nang ipatupad, alin ang hindi pa, at ano ang kailangang gawin upang maisulong ang mga ito.

“May mga hakbang sa Bayanihan 3 na puwedeng ipatupad agad, at mayroon namang kailangang pag-aralan para masigurong kayang tustusan, maayos sa batas, at praktikal sa pagpapatupad,” paliwanag ni Legarda. “Kaya may malinaw na tatlumpung araw na palugit para sa ehekutibo na sabihin kung alin ang kaya na ngayon, alin ang hindi pa, at ano ang kailangang gawin para maging posible ang mga ito para sa taumbayan.”

Binigyang-diin ni Legarda na ang lahat ng kapangyarihang pang-emergency sa ilalim ng panukala ay may malinaw na limitasyon sa saklaw at tagal, at saklaw ng buong transparency, auditing, at congressional oversight.

Habang limitado ang mga kapangyarihang ito sa panahon ng pambansang emergency, nagbibigay din ang panukala ng maingat na pagsusuri at posibleng pagpapatuloy ng mahahalagang reporma, partikular yaong nagpapalakas sa seguridad sa enerhiya, transparency, at pangmatagalang katatagan. (Mylene Alfonso)