Advertisers

Advertisers

Rob Sy, dumepensa sa anak laban sa reklamong bullying ng kampo ni QC Coun. Alfred Vargas at misis

0 8

Advertisers

Ni Anne Venancio

Pinalagan ng aktor na si Robert Vincent Sy o Rob Sy ang reklamong isinampa laban sa kanya at sa kanyang partner na si Juvelle Bacosa ng kampo ni Quezon City Councilor Alfred Vargas at ng misis nitong si Yasmine Espiritu, kaugnay ng umano’y paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa reklamo na inihain noong Abril 13, nakasaad na paulit-ulit umanong binu-bully ng anak ni Rob Sy ang anak ng mag-asawa habang nasa swimming training sessions. Sey ng kampo ni Vargas, ilang beses umanong itinulak at inilubog sa tubig ang bata, sa kabila ng mga pakiusap na aksyunan ang sitwasyon.

Umabot pa umano sa puntong nasaksihan mismo ni Vargas at iba pang testigo ang insidente, kung saan muntik nang maaksidente ang kanyang anak matapos umanong itulak malapit sa gilid ng pool bago ang isang kompetisyon.

Giit ng kampo ng Konsehal, nabigo umano ang kabilang panig na gampanan ang responsibilidad bilang magulang sa pag-gabay at pagdidisiplina sa kanilang anak.

Sa isang Facebook post, mariing itinanggi ni Sy ang mga paratang at ipinagtanggol ang kanyang pamilya.

“Tahimik lang po akong tao, ayaw ng gulo… pero sa patuloy na pang-aagrabyado sa aking pamilya, lalo na sa aking anak, panahon na para basagin ang katahimikan,” pahayag niya.

Giit ng aktor, labis na masakit para sa kanya ang mga akusasyon laban sa kanyang anak.

“Sobrang sakit bilang magulang na maakusahan ang aking 8-year-old na anak lalo na’t hindi totoo at malinaw na binaliktad ang naratibo. Tama na! Sobra na!” dagdag niya.

Ipinahayag din ni Sy na handa nilang harapin ang kaso at ipaglalaban ang katotohanan sa tulong ni Atty. DJ Jimenez a.k.a. The Pinoy Street Lawyer Official.

“IPAGLALABAN PO NAMIN ANG KATOTOHANAN… Wala man po kaming yaman at impluwensya, hawak namin ang integridad at katotohanan,” aniya.

Ayon pa sa kanya, bagama’t may mga nagpakita ng suporta, may ilan ding kritisismo na lumabas dahil sa imahe niya bilang kontrabida sa telebisyon at pelikula.

Dagdag niya, hindi umano tugma ang kanyang on-screen persona sa tunay niyang pagkatao.

“Sa likod ng kamera, ako ay isang mapayapang tao at walang kasalanan sa mga ibinibintang sa amin,” giit niya.

Sinabi rin ni Sy na may hawak silang mga ebidensya at testigo kaugnay ng insidente.

“Marami pong testigo at dokumento na magpapatunay kung sino talaga ang nambully… ilalabas po ito sa tamang panahon,” aniya.

Matatandaang nauna nang naglabas ng pahayag ang partner niyang si Velle Bacosa noong Pebrero 14, 2026, kaugnay ng umano’y insidente sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ayon kay Bacosa, nakaranas umano sila ng harassment habang nasa swimming competition, kung saan pinagsusumigawan at pinahiya umano sila sa harap ng maraming tao, dahilan upang matakot ang kanyang anak.

“Respeto at kapatawaran ang nangibabaw,” saad pa niya sa kanyang naunang pahayag.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon sa magkabilang panig lalo’t sentro ng usapin ang kapakanan ng mga menor de edad na sangkot sa insidente.