Advertisers

Advertisers

2 pulis kinasuhan sa pagharang sa bumbero

0 7

Advertisers

NAHAHARAP sa mga administratibong reklamo ang dalawang pulis ng Maynila matapos humarang at magbanta sa isang fire volunteer habang nasa operasyon ng sunog sa Tondo, Manila, ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Martes.
Ayon sa fire volunteer na si Roicyd del Rosario, nangyari ang insidente Abril 15 sa Barangay 121, Tondo habang tumutugon ang kanilang grupo sa sunog, ngunit hinarang ang kanilang fire truck sa intersection ng Mata Street at Capulong streets.
Ikinuwento ni del Rosario na hinarang ng motorsiklo ni Police Master Sergeant John Ruel Morandante ang fire truck, dahilan upang ito ay mapahinto at umatras upang maiwasan ang banggaan. Kalaunan ay bumaba ang pulis at muling hinarangan ang sasakyan.
“Sa kabila nito, bumaba siya at hinarang ang aming sasakyan; sa aking obserba-syon, siya ay tila nasa impluwensya ng alak,” ayon kay del Rosario sa kanyang sinum-paang salaysay.
“Siya ay kumalampag sa fire truck, nagmura, dinuro ako, at nagpakilalang pulis, habang umaakto na tila bubunot ng baril,” dagdag pa niya.
Noong Abril 16, nagsagawa ng pulong sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) kungsaan lumagda ang pulis sa isang written undertaking na may pag-amin at paghingi ng paumanhin.
Gayunman, ayon kay del Rosario, Abril 17 ay nagtungo sa Barangay 104 ang kapatid ng pulis, na isa ring alagad ng batas, upang alamin ang mga pangalan ng mga fire volunteer na sangkot sa insidente.
“Dito po ako ay nagsimulang matakot sa aking seguridad sa kanilang pagtatanong-tanong sa aming mga pangalan; na ang dalawang magkapatid na Morandante na kapwa mga pulis ay hinarass ang staff ng Barangay para isulat ang aming mga pangalan,” pahayag ni del Rosario.
Dahil dito, nagsampa si del Rosario ng administratibong reklamo sa NAPOLCOM laban sa dalawang pulis dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Wala pang pahayag ang Manila Police District hinggil sa insidente. (Boy Celario/Mark Obleada)