Advertisers

Advertisers

MOTORCYCLE TAXI GROUP NANAWAGAN NG PROYEKSYON SA KABUHAYAN SA PAGSASABATAS NG MOTO-TAXI BILL

0 4

Advertisers

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Motorcycle Taxi Community Philippines sa Kongreso na tiyaking proteksyon ng kabuhayan ng mga rider ang maging pangunahing pundasyon ng anumang regulasyon para sa motorcycle taxi industry.

Sa isang pahayag, nagpasalamat si Motorcycle Taxi Community Philippines Chairman Romeo Maglunsod sa pamahalaan para sa ayudang ibinigay sa mga rider sa gitna ng fuel crisis. Ayon kay Maglunsod, malaking ginhawa ang ?5,000 na ayuda para sa mga rider na halos kalahati ng arawang kita ay nauubos na sa gasolina.

“Nagpapasalamat kami sa ayudang ibinigay ng pamahalaan sa mga rider sa gitna ng fuel crisis. Para sa mga rider na halos kalahati ng arawang kita ay nauubos sa gasolina, malaking ginhawa ang ?5,000 na ayuda,” ani Maglunsod.

Gayunman, binigyang-diin ng grupo na pansamantala lamang ang ganitong uri ng tulong. Sa harap ng krisis, sinabi ng grupo na mahalagang matiyak na walang pamilyang rider ang magugutom o maghihikahos dahil sa kawalan ng maayos at makataong hanapbuhay.

“Dapat masiguro ng anumang aksyon ng Kongreso ang proteksyon ng kabuhayan ng libu-libong rider na araw-araw na nagsisikap para buhayin ang kanilang mga pamilya. Sa panahon ng krisis, ang tunay na sagot ay disenteng kabuhayan,” ani Maglunsod.

Kaugnay nito, nanindigan ang Motorcycle Taxi Community Philippines na mahalagang maisabatas na ang motorcycle taxi bill, lalo na’t halos isang dekada nang nagpapatuloy ang pilot study para sa motorcycle taxi operations.

Ayon kay Maglunsod, mahalagang kilalanin sa anumang batas na ang motorcycle taxi industry ay nakaugat sa prinsipyo ng gig economy. Dahil dito, nararapat aniyang naka-angkla ang batas sa interes ng mga gig worker.

“Ang nais namin ay kami ang boss sa aming kabuhayan. Kabilang dito ang kalayaang pumili ng platform, ang kakayahang makinabang sa mga programang iniaalok ng iba’t ibang platform, at ang kalayaang dumiskarte ng sarili naming oras sa pamamasada,” ani Maglunsod.

Inirekomenda rin ng grupo na ang prangkisa o akreditasyon ay direktang ibigay sa mga indibidwal na rider, tulad ng modelong ginagamit sa mga TNVS, at hindi ipaloob sa ilalim ng mga platform.

Sa ganitong sistema, sinabi ng grupo na mas malinaw na ang rider ang may hawak ng sariling diskarte sa pagpapasada, habang ang mga platform ay nagsisilbing kasangkapan lamang upang makakuha ng biyahe, suporta, at mga programang makatutulong sa kabuhayan.

“Sa bawat oras na kami ay nasa kalsada, may mas maraming Pilipinong nakakabiyahe, nakakapasok sa trabaho, at nakakarating sa kanilang mga pangangailangan,” ani Maglunsod.

“Kaya malinaw ang aming panawagan: proteksyunan ang kabuhayan ng rider, igalang ang aming kalayaan bilang gig workers, at ipasa ang motorcycle taxi bill nang tama, makatarungan, at makatao,” dagdag niya.