Advertisers
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” R. Marcos Jr. ang serye ng mga programa na nakatuon sa seguridad sa pagkain, edukasyon, at pagpapalakas ng lokal na pamamahala bilang tugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Sa ilalim ng pinalawak na Local Government Support Fund (LGSF), mahigit 235,000 benepisyaryo sa lalawigan ng Batangas ang makatatanggap ng tig-10 kilong bigas, na ipamamahagi anim na beses kada taon. Ayon sa Pangulo, prayoridad ng pamahalaan na matiyak ang sapat na suplay ng pagkain, lalo na sa gitna ng krisis sa langis at iba pang hamon.
Kasabay nito, pinalakas din ang suporta sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng tig-P200,000 sa bawat barangay. Hahatiin ang pondo kung saan P100,000 ay ilalaan sa limang piling iskolar na makatatanggap ng tig-P20,000 upang matulungan silang makapagtapos ng pag-aaral.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno. Aniya, mas epektibong natutugunan ang pangangailangan ng mamamayan kapag aktibong nakikibahagi ang mga LGU, kabilang ang mga barangay officials, sa pagbuo at pagpapatupad ng mga solusyon.
Dumalo rin sa programa sina Executive Secretary Ralph Recto at Batangas Governor Vilma Santos-Recto, kasama sina House Committee on Justice,Congresswoman Gerville Luistro, at iba pang opisyal ng pamahalaan at mga benepisyaryo.
Nangako ang Pangulo na magpapatuloy ang mga naturang programa at posibleng madagdagan pa ang pondo depende sa magiging resulta nito. Layunin umano ng pamahalaan na matiyak na walang Pilipinong magugutom at mabigyan ng pantay na oportunidad ang bawat mamamayan.(Koi Laura)