Advertisers

Advertisers

TRANSPORT UPGRADE! GATE 4A TERMINAL, BUKAS NA SA PUBLIKO

0 20

Advertisers

Nagsagawa ng ceremonial ribbon cutting para sa opisyal na paglulunsad ng Gate 4A Transport Terminal, na isang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng transportasyon at serbisyo sa loob ng mga economic zone.

Dinaluhan ang naturang pasinayaan nina Director General ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Tereso O. Panga; City Administrator ng Lungsod ng General Trias, Cavite Atty. Donna Mae B. Tiongson-Jordan bilang representante ni Mayor Luis ‘Jonjon’ Ferrer IV; Councilor Martin Ferrer, representante ni Congressman Antonio Ferrer; at Pangulo ng Unified Ecozones of the Philippines, Inc. (Batang Ecozone) Engr. Jerenato ‘Jerry’ Alfante, sa Cavite Economic Zone (CEZ), Barangay Tejero, General Trias, Cavite.



Nagpahayag ng buong suporta sina Panga, Ferrer at Alfante sa mga proyektong naglalayong pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga manggagawa.

Ayon sa mga organizer,  idinisenyo ang bagong terminal upang tugunan ang matagal nang hamon sa transportasyon sa loob ng ecozone, na mula sa pagsisikip ng sakayan hanggang sa kakulangan ng organisadong sistema para sa mga commuter. Sa pamamagitan ng Gate 4A Transport Terminal, inaasahang magiging mas maayos ang daloy ng sasakyan at pasahero, na magreresulta sa mas mabilis, ligtas, at komportableng biyahe.



Isa ang Cavite Economic Zone sa mga pangunahing sentro ng industriya at export processing sa lalawigan ng Cavite, kung saan libo-libong manggagawa ang araw-araw na pumapasok sa iba’t- ibang kumpanya at pabrika. Dahil dito, malaking tulong ang pagkakaroon ng maayos at organisadong transport terminal.

Binigyang-diin ni Panga na isang mahalagang salik ang pagkakaroon ng maayos na transport infrastructure sa pagpapaunlad ng mga economic zone.



Aniya, hindi lamang para sa kaginhawaan ng mga manggagawa ang ganitong mga proyekto, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa bansa.

Inaasahan ni Panga na magkakaroon na ng maayos na daloy ng trapiko sa pagbubugas ng Gate 4A.

Samantala, sinabi naman ni Alfante na bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak na layunin ng kanilang organisasyon na isulong ang kapakanan ng mga ecozone workers.

“Hindi lamang ito terminal, simbolo ito ng ating malasakit sa bawat manggagawang Pilipino na araw-araw nagsusumikap para sa kanilang pamilya,” wika ni Alfante.

Bukod sa pagpapabuti ng transportasyon, inaasahan ding magdudulot ang bagong terminal ng positibong epekto sa kabuuang economic activity sa lugar. Sa mas episyenteng paggalaw ng tao at serbisyo, mas mapapabilis ang operasyon ng mga negosyo at mas mapapalakas ang ugnayan sa pagitan ng iba’t-ibang sektor sa loob ng ecozone.

Inaasahang magsisilbing pangunahing hub ng transportasyon ang Gate 4A Transport Terminal, na mag-aalok ng mas organisado at sistematikong sakayan para sa libu-libong commuter araw-araw. Nakikita rin itong hakbang tungo sa modernisasyon ng mga pasilidad sa ecozones, na umaayon sa layunin ng pamahalaan na gawing mas kompetitibo ang Pilipinas sa larangan ng industriya at pamumuhunan.

Sa kabuuan, patunay ang proyektong ito na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor, posible ang mga inisyatibong direktang nakikinabang ang karaniwang manggagawa, isang konkretong hakbang patungo sa mas maayos, mas ligtas, at mas progresibong kinabukasan.