Advertisers

Advertisers

NAGBABAGA ANG MAYNILA: PROTEKTAHAN ANG SARILI, MAGTUBIG AT MAG-INGAT! – ISKO

0 5

Advertisers

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Lunes, Abril 27 sa mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, lalo na ang mga outdoor frontliners, na mag-ingat laban sa matinding init matapos na itayang aabot sa 41°C ang heat index sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, binanggit ni Domagoso na kabilang sa mga pinaka-exposed sa init ang mga tauhan mula sa Department of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, Engineering Department, Estero Rangers, Pasig Rangers, at ang mga naka-deploy sa Roxas Boulevard.
“Mag-iingat kayo. Lagi ninyong isipin na kailangan ninyong pangalagaan din ang inyong sarili,” ani ng alkalde sa mga empleyado ng lungsod.
Direkta rin niyang kinausap si Arnold Santiago, hepe ng Manila Police District (MPD), at hiniling na paalalahanan ang kanyang mga tauhan na manatiling ligtas habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa field.
Kasabay ang heat advisory ng epekto ng El Niño, na nagdudulot ng matagal na tagtuyot at mas mataas kaysa normal na temperatura sa Pilipinas at sa malaking bahagi ng Southeast Asia.
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang aabot sa 41°C ang heat index sa Metro Manila noong Lunes, na kabilang sa kategoryang “Extreme Caution.”
Hinimok din ni Domagoso ang lahat na uminom ng maraming tubig sa buong araw, at huwag mag-atubiling umihi nang madalas. “Huwag kayong matakot na ihi kayo nang ihi, basta uminom kayo ng marami,” aniya.
Tinapos ng alkalde ang kanyang mensahe sa pagbibigay ng pag-asa na darating din ang mas malamig na panahon. “Ilang araw na lang, darating naman ang Agua de Mayo. Lalamig din ang panahon,” dagdag ni Mayor Isko.(BP)