Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
MAGBABALIK si Sitti sa entablado ngayong Mayo 17, 2026 para sa Sittiscape sa Newport Performing Arts Theatre, kasama ang ilan sa malalaking pangalan sa industriya.
Nang i-record ni Sitti ang “Para Sa Akin” noong 2005, hindi niya inakala na makakasama pa rin ito sa buhay ng mga tao pagkalipas ng 20 taon. Pero hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang kanta. Maririnig pa rin sa kasal, sa biyahe, sa mga café — at lalo na sa mga moment na masaya o masakit. Isa siya sa mga kantang hindi mo lang naaalala, kundi talagang binabalikan.
Sa Mayo 17, babalik si Sitti sa entablado para sa Sittiscape: The City of Bossa. Ito ay isang one-night anniversary concert para sa ika-20 taon ng Café Bossa, ang album na nagpakilala ng Para Sa Akin sa mas maraming Filipino.
Para sa marami, hindi na talaga nawala ang Para Sa Akin. “Hindi na talaga siya akin,” sabi ni Sitti ukol sa kanyang hit song. “Para na siya sa lahat ng tumugtog nito sa pinakamahirap o pinakamasayang bahagi ng buhay nila.”
Sa iba’t ibang platform, patuloy pa rin itong nadidiskubre, na ngayo’y papalapit na sa 60 milyong streams sa Spotify – patunay na hindi talaga siya nawala.
Dito nagsisimula ang Sittiscape. Hindi ito typical na anniversary concert, mas pinag-isipan siya bilang isang experience na hindi lang tungkol sa kanta, kundi sa naging buhay nito sa loob ng 20 taon.
Kinonsepto at creative-directed ni Liza Diño, kasama si Ice Seguerra bilang stage director, Bobby Velasco bilang musical director, at Dan Cabrera bilang choreographer, pinagsasama ng show ang iba’t ibang henerasyon ng musikang Filipino. Isa itong palabas na hindi lang pinapakinggan, kundi nararamdaman din.
Makakasama ni Sitti sina Gary Valenciano, RJ Jacinto, Ice Seguerra, Ebe Dancel, Nyoy Volante, Richard Poon, Princess Velasco, Jason Dhakal, at Mr. Ryan Cayabyab sa isang gabing magtatampok ng iba’t ibang henerasyon ng musikang Filipino.
“Niyakap ni Sitti ang bossa nova at ginawa niya itong bahagi ng everyday life ng mga Filipino — sa kasal, sa café, sa biyahe pauwi,” sabi ni Diño. “Iyon ang gusto naming balikan sa Sittiscape.”
May mga sandali rin sa show na parang kuwentuhan lang, habang magbabahagi si Sitti ng mga personal na alaala tungkol sa naging journey ng kanyang musika.
Magkakaroon din ng Para Sa Akin suite — iba’t ibang version ng kanta na magpapakita kung paano ito nagbago sa loob ng dalawang dekada, kabilang ang reinterpretation ni Jason Dhakal. Sa isang espesyal na bahagi ng show, makakasama rin ni Sitti si Gary V, para sa isang Bossa Nova dance number.
Magtatapos ang gabi sa isang samba finale na choreographed ni Dan Cabrera — na iimbitahan ang audience na makisabay sa rhythm na minahal ng mga Filipino sa loob ng 20 taon.