Advertisers

Advertisers

Delikadong Palamig: Maynila, Nagdeklara ng All-Out Aksyon vs Drug-Resistant Bacteria sa Tondo

0 22

Advertisers

Naglatag ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng komprehensibong action plan nang matuklasan sa isang pag-aaral ng University of the Philippines Manila na may drug-resistant bacteria sa lahat ng 12 sinuring “palamig” stalls sa Tondo.

Ayon kay City Health Officer Dr. Grace Padilla, itinuturing ito ng Manila Health Department (MHD) bilang isang mataas na prayoridad na isyung pangkalusugan na nangangailangan ng agarang aksyon.



Unang hakbang ng lungsod ang muling inspeksyon sa 12 stall na kasama sa pag-aaral. “Babalikan namin ang mga lugar na ito para tiyaking nasusunod ang tamang pamantayan sa kalinisan,” ani Padilla.

Tinukoy rin ang Tondo bilang isa sa mga high-risk area sa Maynila, kaya’t ipapakalat ang mga sanitary inspector sa anim na distrito upang higpitan ang pagpapatupad ng mga regulasyon.



Sa usapin ng kaligtasan ng tubig at yelo—na itinuturing na pangunahing pinagmumulan ng kontaminasyon—obligado na ang mga nagtitinda na gumamit lamang ng sertipikadong malinis na tubig at yelong mula sa aprubadong supplier. Kailangan ding magpakita ng patunay ng sertipikasyon sa bawat inspeksyon.

Maglulunsad din ang lungsod ng mandatory hygiene training para sa mga vendor, katuwang ang UP Manila. Saklaw nito ang wastong paghuhugas ng kamay, ligtas na paghahanda ng pagkain at inumin, at tamang paglilinis ng mga kagamitan. Ang mga makakatapos ay bibigyan ng sertipikasyon bilang patunay ng pagsunod sa pamantayan.



Upang hindi maging hadlang ang gastos, magbibigay ang lungsod ng libreng pagsusuri sa kalidad ng tubig. Mismong mga tauhan ng city health ang kukuha ng sample sa mga stall, na ipo-proseso sa Water Analysis Laboratory ng Maynila.

Palalakasin din ang sistema ng pag-iisyu ng permit sa mga food vendor. Bukod sa sanitary permit, kakailanganin na rin ang regular na re-certification ng water potability. Pinag-aaralan din ang posibilidad na i-waive ang ilang bayarin upang makatulong sa maliliit na negosyante.

Kasama rin sa plano ang regular na microbiological monitoring—hindi lang sa presensya ng bacteria kundi pati sa antimicrobial resistance—sa mga inumin, tubig, at mga surface ng tindahan.

Magkakaroon din ng suporta sa imprastruktura tulad ng pagtatayo ng malinis na water stations at pamamahagi ng hygiene kits sa mga vendor sa high-risk areas.

Hinihikayat naman ang publiko na maging mapagmatyag at i-report ang anumang maruming gawain sa mga tindahan upang makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan ng pagkain at inumin.

Samantala, pinuri ni UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee ang mabilis na tugon ng lungsod, at sinabing magandang halimbawa ito kung paano nagagamit ang akademikong pananaliksik upang makabuo ng konkretong aksyon ng pamahalaan. (BP)