Senador Villar naghain ng panukalang magpapalakas ng mga insentibo para sa Pangangalaga ng mga Pamanang Kultural at Makasaysayang Gusali at Lugar sa Pilipinas
Advertisers
Pasay City — Inihain ni Senador Mark A. Villar ang batas na nag-aamyenda sa Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009, na naglalayong palakasin ang pangangalaga at proteksyon sa mga pamanang kultural at makasaysayang gusali at lugar sa bansa.
Ang batas na ito ay tutugunan ang matagal nang suliranin sa pangangalaga sa pamanang kultural, kabilang ang kakulangan sa pondo, limitadong suporta mula sa mga institusyon, banta ng mga kalamidad, at mababang antas ng kamalayan ng publiko. Binigyang-diin ni Villar na bagama’t kinikilala ng umiiral na batas ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga ito, kinakailangan ng mas angkop at praktikal na mga insentibo upang matiyak ang kanilang patuloy na proteksyon at pagpapanatili.
“Ang ating pagkakakilanlan ay nakaugat sa ating kultura at kasaysayan—na makikita sa ating mga landmark, makasaysayang lugar, at heritage structures. Hindi sapat ang pagkilala lamang sa kanilang kahalagahan; dapat din nating tiyakin na may sapat na suporta at insentibo para sa maayos na paggamit, pangangalaga, at pagpapanatili ng mga ito,” ani Villar.
Isa sa mga pangunahing tampok ng panukala ang pag-uuri sa grado ng mga cultural property batay sa kanilang kahalagahan sa kasaysayan at kultura. Saklaw ng Grade I ang pinakamahahalagang lugar gaya ng world heritage sites, national cultural treasures, at mga kinikilalang historical landmarks, shrines, at monuments. Kabilang naman sa Grade II ang iba pang mahahalagang yaman tulad ng mga likha ng National Artists at Manlilikha ng Bayan, mga materyal na arkeolohikal at etnograpiko.



