Advertisers
SARESTADO ang isang retired police nang tutukan ng baril ang sariling anak sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM), Miyerkoles ng umaga, Mayo 6.
Sa ulat ng SJDM Police Station, kinilala ang ex-police na si alyas “Andoy”, 56 anyos; habang ang biktima ay si alyas “Jay”, 24, binata, kapwa residente ng Brgy. Gumaoc Central.
Ayon sa ulat ng istasyon, naganap ang insidente bandang 10:00 ng umaga sa B8 Gumaoc Central.
Lumabas sa imbestigasyon, sinita ng anak ang kanyang ama na umano’y humihithit ng marijuana sa kanilang bahay, na nauwi sa mainitang pagtatalo ng mag-ama.
Nabatid na umalis ang ama, subali’t bumalik ito at itinutok ang sukbit na caliber .45 sa kanyang anak kasabay ang mga salitang pagbabanta.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang biktima sa mga pulis, na agad rumesponde sa lugar, at inaresto ang dating pulis kungsaan nakuha sa kanyang posisyon ang baril na kargado ng magazine at loaded ng mga bala.
Sinasabing habang nasa investigation section ng istasyon ay nagbitiw ang dating pulis ng masasakit na salita sa police officers at duty investigators.
Nahaharap ito sa kaukulang kaso habang nakakulong sa nasabing istasyon ng pulisya.