Advertisers

Advertisers

ITINAGO, PAGSABOG SA KUTA NG BURIKI SA QUEZON?

0 1,167

Advertisers

NANGYARI na ang kinatatakutan! Ngunit sa halip na aksyunan ay itinago sa pulisya at hindi naitala sa police blotter ang naganap na pagsabog sa pinagkukutaan ng grupo ng 10-tao na mga magnanakaw na kilala sa taguring buriki/paihi sa Brgy. Ikirin, sa hurisdiksyon nina Pagbilao Mayor Gigi Portes at Police Chief Major Arjon Oxina?

Lucena City Mayor Mark Alcala at Pagbilao Mayor Gigi Portes

Kung totoo ang naganap na pagtatakip sa insidente ng pagsabog sa kuta ng sindikatong pinamumunuan ng isang alyas Amigo ay dapat na masusing paimbestigahan ito ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr.

Sa pananaw ng mga KASIKETA ay tila malabo ng umaksyon pa dito si Region 4A PNP Dir. BGen. Hansel Marantan pagkat nagbibilang na ito ang kanyang oras na ilalagi sa pwesto bilang pinuno ng kapulisan sa CALABARZON. Sa July 10, 2026 ay nakatakdang magretiro na sa kanyang pwesto si Gen. Marantan.

Batay sa ating police insider ay aksidenteng nagliyab at sumabog ang mga nakaimbak na drum na naglalaman ng mga nakaw na krudo, gasolina at gas sa nababakurang kuta nina alyas Amigo may ilang araw pa lamang ang nakararaan.

Pinaniniwalaang ilan sa miyembro ng sindikato ang nagtamo ng mga minor injury at nasira ang bakod ng burikian/paihian. Madalian namang ipinaayos ang nasirang bakod sa kuta nina alyas Amigo.

Hindi pa mabatid kung paanong nailihim sa tanggapan ni Maj. Oxina ang naganap na aksidenteng pagsabog na matagal nang pinangangambahan ng mga residente ng Pagbilao at ng mga kanugnog na lugal.

Tunay kaya na hindi alam nina Maj. Oxina at Mayor Portes ang nangyaring muntik nang delubyo sa kanilang nasasakupan, o dili kaya naman ay nagmamaang-maangan lang ang mga ito?

PAGSABOG SA BURIKI NI ALYAS TROY SA LUCENA CITY!

Hindi malayo na ang nangyaring ito sa Pagbilao ay maganap din sa Lucena City kung saan nagkukuta din ang grupo ng sindikatong buriki/paihi na pinamumunuan ni alyas Troy.

Hindi lamang CME oil at mantika na nagmumula sa mga oil mill sa siyudad ni Lucena Mayor Mark Alcala ang ninanakaw ng grupo ni alyas Troy at iniimbak sa kuta sa Eco-Tourism Road, Brgy. Salinas, Lucena City, kundi maging ang produktong petrolyo.

Bago dumiretso upang ideliber ang mga kargamento ng capsule at tanker truck ay binabawasan muna ng sindikato at ng mga kakutsabang driver ang kanilang kargamento sa Brgy. Salinas, Lucena City.

Impossible na walang kamalay-malay sa nagaganap na talamak na nakawan doon si Lucena City Police Chief Lt. Col. Ryan Hernandez?

Kapag sumabog o nagkaroon ng sunog sa kuta nina alyas Troy ay saka lamang marahil mapapagtanto nina Mayor Alcala, Quezon PNP acting Provincial Director Col. Romulo Albacea at Lt. Col. Hernandez ang kanilang pagkukulang sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Huwag sanang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan din sa mga nangyayaring kabulastugan sa kanilang lalawigan si Quezon Gov. Angeline “Helen” Tan. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144