Mark Villar, suportado panukalang nagpapalawig sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act
Advertisers
Pasay City — Ipinahayag ni Senador Mark Villar ang kanyang buong suporta sa Senate Bill No. 1894, o ang panukalang magpapalakas sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangang mapalawak at mapabuti ang suporta ng pamahalaan para sa mga estudyanteng Pilipino sa kolehiyo.
Bumoto pabor si Villar sa panukala at nagpahayag ng intensyong maging co-author nito, kasabay ng kanyang pahayag na bagama’t malaking tulong ang libreng matrikula, marami pa ring estudyante ang nahihirapang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin habang nag-aaral.
“Marami pa ring kabataang Pilipino ang nangangarap makapagtapos ng kolehiyo ngunit hirap na hirap matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pag-aaral,” Villar said.
“Hindi lamang tuition ang problema ng ating mga estudyante—malaking hamon din ang gastos sa pagkain, pamasahe, school requirements, at iba pang pangangailangan habang nag-aaral.” Giit ni Senador Villar
Ayon sa senador, layunin ng panukala na gawing mas makabuluhan at mas madaling maabot ang educational assistance ng gobyerno, lalo na para sa mga estudyanteng mula sa mahihirap at batayang sektor ng lipunan.
Sa ilalim ng panukala, higit pang palalakasin ang Tertiary Education Subsidy (TES) program sa pamamagitan ng mas malinaw at mas maayos na sistema sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Layunin din nitong tiyakin ang maagap na pagpapalabas ng mga subsidiya, mapanatili ang tuloy-tuloy na suporta sa mga iskolar, at regular na suriin ang halaga ng subsidiya.
“Kaya mahalagang maisabatas agad ang panukalang ito upang mas maraming estudyante ang makapagtuloy at makatapos ng kanilang pag-aaral. Nais nating mabawasan ang bilang ng mga kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pera.” Ani Senator Villar.
“Kapag sapat ang suporta sa edukasyon, mas makakapagpokus ang ating mga estudyante sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at sa pagtataguyod ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang sarili at kanilang pamilya,” dagdag pa niya.