MATIBAG, PINASINUNGALINGAN ANG SINABI NI BATO NA NASUGATAN SIYA DAHIL NAKIPAG-WRESTLING SA NBI AGENTS
Advertisers
“Hindi naman totoo ‘yung sinabi niya sa floor na nagwrestling sila (NBI). Walang ganun, kaya siya nasugatan, kitang-kita naman, nadapa siya sa staircase ..naitukod niya kamay nya.”
Ito ang inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, nang pabulaanan niya ang sinabi ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nasugatan ang kamay niya dahil nakipag-‘wrestling’ siya sa mga NBI agents na nagsisilbi sa kanya ng arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) kung saan siya ay kinasuhan bilang co-perpetrator sa kasong ‘crimes against humanity’ na kinakaharap din doon ni dating President Rodrigo Duterte.
Malinaw umano sa videos na nasugatan ang kamay ni Dela Rosa nang madapa ito habang tumatakbo paakyat ng hagdan at naitukod niya ang kanyang kamay, upang iwasan ang mga NBI personnel.
Ayon pa kay Matibag, sumakay si Dela Rosa sa kotse ng isa pang Senador at nang magsimula ang sesyon ay bumaba ito. Lumapit umano ang dalawang babaeng NBI personnel para impormahan sana siya tungkol sa warrant nang kanyang i-‘tackled’ ang dalawa at itinulak bago tumakbo paakyat ng hagdan, dahilan upang magkaroon ng habulan.
Anang NBI chief, ang mga kasunod ng Senador ay mga staff niya at may tatlong metro pa ang layo ng NBI agents dahil nga itinulak niya, sabay takbo.
Inaasahan umano ng NBI na bilang isang naging bahagi ng law enforcement ay alam at nauunawaan ni Dela Rosa ang proseso at magiging ‘professional’ ito at di umano nila inaasahang magiging magulo ang pangyayari.
Sa kanyang mga interview kalaunan ay kinumpirma na rin ni Dela Rosa na nakuha niya ang mga sugat sa kamay dahil sa pagkakadapa niya sa hagdan. (JERRY S. TAN)