Advertisers
Ni Beth Gelena
Nakapanayam ang Kapuso aktres na si Jennylyn Mercado para sa contract signing renewal na kanyang ini-endorse.
Tinanong ang Ultimate Star tungkol sa dati niyang boyfriend na si Patrick Garcia kung saan nagkaroon siya ng anak dito, si Jazz.
Nagtapos ang relasyon nina Jennylyn at Patrick noong 2008. Noong panahong iyon, buntis ang aktres kay Jazz. Medyo kontrobersyal ang kanilang paghihiwalay dahil sa mga isyung lumitaw sa pagitan nila.
Batay sa panayam, ikinuwento niya ang tungkol sa kanyang mga anak, si Jazz, at ang kanyang anak na babae sa kanyang asawang si Dennis Trillo na si Dylan.
Ang aktres din ang nagsisilbing pangalawang ina ng anak ni Dennis kay Carlene Aguilar na si Calix na labis na pinasasalamatan ng former beauty queen dahil sa presensya ni Jennylyn sa buhay ng kanyang anak.
Ibinahagi ni Jennylyn na magkaibigan sila ni Carlene.
Aniya, “May komunikasyon kami. Paminsan-minsan ay nagme-message kami.”
Mabuti na lang at may dalawang ina si Calix at dalawang ama naman si Jazz. Si Dennis din kasi ang nag-aalaga sa anak nila ni Patrick na si Jazz.
“Si Jazz naman dalawa ‘yung daddy niya. So, nakakatuwa na pareho silang naalagaan at tini-treat din ni Dennis si Jazz na talagang sa kanya galing,” pakli ng Kapuso aktres.
Nang tanungin si Jen tungkol kay Patrick, tumanggi siyang sumagot at iniwasang pag-usapan ang tungkol sa kanyang dating karelasyon imbes ay ikinuwento niya ang interes ni Jazz sa musika.
(Respeto lang nga naman yun para sa asawa niyang si Dennis.)
“Sa music po. Nahihirapan siyang magsalita. Pero ‘pag may music, mas alerto siya… ang focus niya andun. ‘Pag ano siya, mahilig siyang makinig. Tapos, magha-hum siya. Ang galing ng tono ‘pag hinum niya,” pagmamalaki ng celebrity mom.
Ibinahagi rin ng Kapuso aktres na si Jazz ay talagang isang mabuting bata, at tinutulungan siya nito sa mga gawaing-bahay. Sa murang edad, sinanay at dinidisiplina na niya nang husto ang kanyang anak na si Jazz.