Advertisers
HINDI na nakapaghintay si Bato dela Rosa sa dokumento ng pagpapasipa sa abalang pangulo mula sa malawak na kapulungan at nagmamadaling lumisan sa tanggapan sa senado patungo sa ‘di batid na patutunguhan. At sa huli, napansin ng ilang bubwit na nasa paliparan ng NAIA 3 na alumpihit at baka mabulaga ng kung sino. Wagas ang takot ni Mangmang Nano at nakuhang humingi ng tulong sa mga tagong kakampi na mahilig sa presscon. Samantala, ‘di madakip ang mga dapat dakpin na takas sa batas ng bansa, ang galing. Ang kagalingan, nahuli ng nilapitang kakampi ni Mangmang Nano ang nakahubad na obrero na naghahalo ng semento sa ginagawang gusali. At heto, gumawa ng eksena na parang pelikula na nagkaputukan kuno sa lugar na pinanggalingan ni Mangmang Nano upang iligaw o ilayo ang tingin ng maraming mamamahayag. Hayun, lumitaw ang totoo, pakana ang eksana upang maka-eskerda si Mangmang Nano sa mata ng media. Samantala, todo ang ngiti ng kapwa aktor na si Boy Sili na tila na-iiwas ang takas na si Mangmang Nano sa mga media na nag-aabang.
Sa kaganapan, malinaw na ibig lumabas ni Mangmang Nano sa bakuran ng senado at takot na mapansin ng media at maiulat. Natagalan kuno si Mangmang Nano sa pagdating ng dokumento sa pagpapasipa kay Inday Salakay mula sa malawak na kapulungan, at gumawa ng eksena ng maiwasan ang media na nasa tanggapan ng senado. May katagalan ang eksena hanggang umabot kuno sa may putukan na dahilan upang maiwasan ang media. Ang kagalingan, silip ang pagtatakip ng kapwa mga mangmang at ini-ugnay ang eksena sa inilabas na madamyento de aresto ng ICC sa kamay ng administrasyon, higit sa kilalang kinatatakutan ng Mangmang Nano. Ang masakit, pumapel ang kalihim na kakampi na kumuha ng atensyon ng media na nagpadulas sa mabilis na pag-alis ni Mangmang Nano.
Sa totoo lang, bulok ang estilo ng kaMangmangan na lumitaw ang sabwatan sa pagbuo ng script. Sa paglabas ng pahayag ng bagong pangulo ng bugok na kapulungan banggit na sila kuno’y “under attacked” at kailangan ng tulong ng ehekutibo. Ang paglalabas ng sariling video ni Kawatano, luminaw ang uri ng lideratong dala, ‘di para sa katotohanan, ‘di para sa mga biktima ng salang programa laban sa droga at higit ‘di ibig ang tamang katarungan. Makiling si Kawatano sa kakampi kahit silip ang kamalian, sasangga at sasangga maging sa salang gawa. At sa takbo ng pangyayari, nabatid na ipinagamit ang sasakyan ng kapatid sa puganteng si Mangmang Nano upang ‘di ganap na masita o mapuna sa paglabas sa senado.
Tumakbo ang oras, kapansin-pansin ang presensiya ng kaMangmangan mayorya na senador na nagpakita sa media at pilit na itinatali ang administrasyon sa skrip na kanilang likha. Binabato ang sisi sa pamahalaan habang sila sila ang nasa loob o lugar ng senado. Silip ang pag-eksena sa iskrip ng mga matatabil na senador at pawang pagkokondena sa ‘di kakamping administrasyon. Hindi na iisa-isahin ang mga salarin na kita ng bayan ang mga mukha ng mga tumulong sa pagpapatakas sa pugante ng ICC. Malinaw ang sabwatan at ganap na umaasa na magkakaroon ng malalim na pag-uusisa sa mga nagbigay kamay upang makahulagpos si Mangmang Nano sa loob ng senado, higit sa mga tauhan ng administrasyon na naging bahagi ng iskrip.
Sa totoo lang, gagap ni Mangmang Nano ang tele-drama na nagawang bulagain ang bayan sa paglutang sa senado, bumuto at pareho ang eksena ng ibig umalis. Nakuha ni Mangmang Nano ang atensyon ng bayan na tila naduhagi o naaapi habang ang mga ka-anak ng mga biktima ng salang EJK ay patuloy na naghahanap ng hustisya habang naghihinagpis. Mapulutan ng aral ng Pinoy ang kaganapan sa senado na ‘di tapat ang mga naihalal na senador sa pagsisilbi sa bayan. Malinaw, sarili’t kaibigan ang una at ‘di bayan, kilos na kami ang nasa poder, at kayo ang makisama. O’ sadyang may piring ang mata para katarungan higit sa maraming tulad ni Mang Juan na kapos sa kapalaran.
Batid na marangal ang lugar sa una na pinagdausan ng palabas ng kaMangmangan na ganap na wala sa wisyo sa pagdaos ng eksena sa lugar. O’ sadyang itinabi ang salitang marangal sa bokabolaryo sa pagpanig sa salang gawa sa layong makamit ang liderato na dapat sa iba. Ang galawang namalas ng bayan na kalakarang Kadiri higit sa mga taong inaasahan ang pagiging tuwid sa isip, sa salita at sa galaw, ngunit pumakabila. Nagulat ang bayan sa ‘di inaasahan na kaganapan sa mismong gusali ng mga senador na nagpapagalingan ngunit lumitaw ang kababawan dahil sa pansariling layon. Ang pagsisiguro na ‘di magbabago sa tindig ang kapwa tuso sa larawan na itataya ang sarili, galaw na namalas sa mga taga-BGC. Ang ipinakitang tindig na itataya ang sarili nasilip sa magkapatid na tuso na isinusuka ni Lino upang mapanatili ang liderato sa kapulungan para sa kinabukasan. At ang ‘di nakita ng batikang mambabatas, mamamahayag na pumanig sa nakakarami kuno sa layon na mapili o ibobotong pangulo. Ayun, tila nagsisising talilong.
Sa totoo lang, bulok ang istilo na naganap sa senado, sa ehekutibo, umaasa na magkaroon ng malalim na pag-uusisa upang mabatid ang puno’t dulo ng kaganapan, higit ang mga kung sinu- sino. Alamin ang partisipasyon ng mga gumanap, tuwiran o hindi higit ang mga nakita sa mga telon, panagutin. Walang ‘di gagalawin, panagutin ang may sala ng ‘di maulit ang salang gawa na napanood ng mundo. Sa umayuda kay Mangmang Nano, patungo at palabas ng senado hanggang sa huling pinaroonan, alamin at panagutin ayon sa batas. Sa totoo pa rin, umaalingasaw ang istilong bulok sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan ‘di lang sa senado at batid ito Jun Singhot.
Malinaw na may ambag sa pagtakas ni Mangmang Nano ang mga lumitaw na mga personalidad, senador o kung sino sa bulwagan ng senado. Hindi tanggap na kagalingan o kaligtasan ng mga nasa loob ng bulwagan ang layon sa pagdako ng isang kalihim na kakampi higit sa putok na narinig. Sa totoo lang, nasa iskrip ng mga mangmang ang naganap at uulitin, bulok ang istilo ng mga lumahok sa naganap sa senado at dapat na may panagutin sino man at kung ano ang katungkulan.
Maraming salamat po!!!!