Advertisers

Advertisers

SENATOR LAPID TAHIMIK PERO MAY GINAGAWA

0 2

Advertisers

Ni Beth Gelena

Kilala si Senator Lito Lapid na tahimik at maganda ang record bilang senador.

Muling pinag-uusapan ngayon sa social media si Sen. Lito matapos hangaan ng maraming Pilipino ang kanyang matapang na paninindigan kaugnay ng pagpili ng susunod na Senate President, gayundin ang kanyang matibay na panawagan laban sa vote-buying at korapsyon.

Sa isang ambush interview matapos ang mainit na usapin tungkol sa liderato sa Senado, naging diretso at simple ang naging pahayag ng Senador.

“Hinding-hindi natin kailangang ipagbili ang boto natin. Para sa bayan ang ginagawa ko ngayon. Ayaw ko lang sa hanay nila — doon tayo sa tama. Sobrang kawawa na ang bayan natin, ninanakawan na lang palagi. May trabaho naman tayo at kumikita bilang artista.”

Dahil dito, maraming netizens ang napa-react at nagsabing kakaiba raw ang pagiging totoo at prangka ng senador. Para sa ilan, bihira na raw makarinig ng isang pulitiko na hayagang nagsasabing hindi dapat ipinagbibili ang boto at kapangyarihan kapalit ng pansariling interes.

Bukod sa kanyang mga naging pahayag, muling nabuhay online ang diskusyon tungkol sa kanyang naging ambag bilang mambabatas. Ayon sa mga ulat tungkol sa kanyang legislative record, nakapaghain si Lapid ng mahigit 263 bills sa kanyang mga unang termino sa Senado, at hindi bababa sa 16 sa mga ito ang naging ganap na batas.

Sa kanyang pagbabalik sa Senado noong mga sumunod na taon, ipinagpatuloy pa rin ni Lapid ang pagsusulong ng mga panukalang may kinalaman sa kalusugan, edukasyon, at social welfare.

Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang kanyang mga kritiko. Matagal na siyang kinukutya ng ilan dahil umano sa kanyang pagiging tahimik sa plenaryo at kakulangan sa maaanghang na privilege speeches kumpara sa ibang senador. Ngunit para sa kanyang mga tagasuporta, hindi raw nasusukat sa pagiging maingay ang pagiging epektibong lingkod-bayan.

Sa social media, marami ang nagsasabing mas gusto nila ang isang senador na “less talk, more work” kaysa sa puro salita ngunit kulang naman sa konkretong ambag.

Samantala, nananatiling malaking usapin sa bansa ang vote-buying.

Dahil dito, mas lalong tumatak sa publiko ang naging mensahe ni Lapid tungkol sa hindi pagbebenta ng boto at pagpili ng tamang liderato sa Senado. Para sa kanyang mga tagasuporta, mahalagang ang maging Senate President ay isang lider na tunay na may malasakit sa bayan at hindi inuuna ang personal na interes.

Hindi perpekto si Senador Lito sa paningin ng lahat pero, para sa maraming Pilipino, ang kanyang simpleng pananalita, tahimik na trabaho, at diretsahang paninindigan ay patunay na may mga lider pa ring mas pinipiling magsilbi kaysa makisabay sa tradisyunal na laro ng politika.