Advertisers

Advertisers

Manila 1st Dist Kon. Domagoso, naghain ng ordinansa laban sa unauthorized paggamit ng official seal sa pribadong sasakyan

“Sa Kalsada ng Maynila, Walang VIP — Lahat Pantay-Pantay”

0 3

Advertisers

MAYNILA — Bilang bahagi ng pagsusulong ng disiplina, patas na pagpapatupad ng batas, at pagpapanatili ng integridad ng pamahalaang lungsod, naghain si Joaquin Andre D. Domagoso ng isang panukalang ordinansa na nagbabawal sa unauthorized na paggamit ng official seal at iba pang opisyal na insignia ng Lungsod ng Maynila sa mga pribadong sasakyan.

Ayon kay Domagoso, panahon nang wakasan ang maling paggamit ng mga simbolo ng gobyerno upang magmukhang may espesyal na pribilehiyo o koneksyon ang ilang pribadong indibidwal sa lansangan.



“Sa kalsada ng Maynila, walang VIP — lahat pantay. Ang official seal ng lungsod ay hindi dapat gamitin para magmukhang exempted sa batas o para makapang-abuso ng impluwensya,” pahayag ni Domagoso.

Sa ilalim ng proposed ordinance, magiging labag sa batas ang paglalagay, paggamit, o pagpapakita ng official seal, decals, stickers, logo, at iba pang opisyal na insignia ng City Government of Manila sa mga pribadong sasakyan nang walang pahintulot o awtorisasyon mula sa pamahalaang lungsod.



Layunin ng panukala na maprotektahan ang kredibilidad ng mga opisyal na simbolo ng gobyerno at maiwasan ang paggamit ng mga ito upang magbigay ng maling impresyon na ang isang sasakyan ay opisyal o may espesyal na kapangyarihan.

Ayon pa sa konsehal, mahalagang maipakita na ang batas trapiko at mga regulasyon sa lungsod ay pantay na ipinatutupad sa lahat, anuman ang estado o koneksyon sa buhay.



“Hindi dapat ginagamit ang pangalan o simbolo ng gobyerno para makalamang sa kapwa motorista o para umiwas sa pananagutan. Ang serbisyo publiko ay hindi tungkol sa pribilehiyo — ito ay tungkol sa patas at maayos na pamamahala,” dagdag niya.

Patuloy namang isinusulong ni Domagoso ang mga ordinansang makatutulong sa mga estudyante, mga marginalized groups, at kabataang Manileño.