Advertisers
WALANG kapangyarihan si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. para palitan sina DDS Senate President Alan Peter Cayetano at Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, pero maari niyang sipain sina DILG Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief General Melencio Nartatez sa pagiging inutil sa kaguluhang naganap sa Senado at pag-aresto sa wanted na si Senador “Bato” Dela Rosa.
Oo! Nagmukhang kamote sina Jonvic at Nartatez sa nangyaring tensyon sa Senado kamakailan, kungsaan nakatakas si Bato na wanted sa International Criminal Court (ICC).
Kung ganito ang ka-lousy ang DILG head at PNP Chief ni PBBM, walang maaarestong high-profile fugitives tulad nina Sen. Bato, ex-BuCor Director General Gerald Bantag, ex-Police Colonel Rafael Dumlao, ex-Congressman Zaldy Co, at gambling tycoon Atong Ang.
Si Bato ay isa sa co-perpetrators ni ex-President Rody Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga patayang naganap noong siya’y hepe ng Davao City Police at PNP Chief.
Si Bantag ay wanted sa pagpatay sa hard-hitting journalist na si Percy Lapid.
Si Dumlao naman ay wanted sa pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-Joo.
At si Co ay wanted sa katiwalian sa dike project sa Oriental Mindoro.
Lahat ng wanted personalities na ito ay madalas talakayin sa mga pressconference ni Jonvic. Tukoy na raw ang kinaroroonan nila, madulas lang kaya hindi mahuli-huli. Bilang na raw ang mga araw ng mga ito. Sus!!!
Sabi nga ni dating Senador Antonio Trillanes, dapat bawas-bawasan ni Jonvic ang mga pa-presscon dahil wala itong maitutulong, nabibigyan lang ng tip ang kanilang mga hinahabol. Mismo!
Bakit hindi nalang palitan ni PBBM itong sina Jonvic at Nartatez?
Sa tingin ko ay mapapadali ang pag-aresto sa naturang mga high-profile fugitives kung hindi na si Jonvic ang DILG Chief. Ipalit sa kanya si Trillanes. Now na!
***
Inamin din ni Sergeant-at-Arms retired Police Major General Mao Aplasca na siya ang unang nagpaputok nung gabing magkaroon ng tensyon sa Senado.
Wala namang nasaktan sa naturang putukan, na ayon kay DILG Sec. Remulla ay 27 putok mula sa Senate Office of Sergeant-at-Arms, at lima mula sa opposing side.
Ang putukan ay nangyari nang dalhin sa Senado ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
Ilang oras pagkaraan ng mga putukan, nakalabas ng Senado si Bato sakay daw ni Senador Robin Padilla.
Bandang 2:30 ng madaling araw, nakita si Padilla sa NAIA T3. Pero ayon sa immigration authority walang rekord na nakalabas ng bansa si Bato.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nasa kostudya ng Senado si Bato. Kaya dapat iharap nito si Bato kapag kailangan sa korte.
Titindi pa ang usaping ito. Subaybayan!