Advertisers

Advertisers

BFP Permit Renewal, umaabot ng 90 araw; Mga negosyante, nagiging delikwente!

0 3

Advertisers

Dumulog sa Misyon Aksyon ang ilang mga negosyante sa Lungsod ng San Jose del Monte (SJDM), Bulacan upang ireklamo ang matinding usad-pagong na proseso sa pagkuha at pag-renew ng Business Permit. Ayon sa kanila, umaabot na ng mahigit tatlong buwan ang paghihintay, na nagiging dahilan upang lumaki ang kanilang mga gastusin.

Sakit sa ulo, pagod, at pabalik-balik na proseso ang nararanasan ng mga negosyante sa Bureau of Fire Protection (BFP)—na tinawag pa ng ilan na isa sa pinakakorap at iresponsableng ahensiya sa bansa. Kung matatandaan, sinibak kamakailan ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang pinakamataas na Heneral ng BFP dahil sa talamak na isyu ng korapsyon. Sinundan din ito ng pagsibak sa dating hepe ng BFP sa SJDM Bulacan dahil sa mabagal na sistema na nagdulot ng dambuhalang backlog.

Isang konkretong halimbawa: May mga negosyanteng nagbayad ng Fire Safety Inspection Fee na \text{P}722.85 noon pang Pebrero 7, 2026. Ngayong Mayo 18, 2026 na, pero hindi pa rin sila naiinspeksyon. Ang katwiran ng BFP, nagsasagawa pa raw sila ng “area inspection,” kahit na ang karamihan sa mga aplikante ay para sa simpleng renewal lamang.

Ang mas masakit pa rito, kahit nakapagbayad na ang mga negosyante sa Business Permits and Licensing Office (BPLO), nakatatanggap pa rin sila ng Notice of Delinquency mula sa nasabing tanggapan dahil sa kawalan ng clearance mula sa BFP.

Panawagan kina Mayor Rida at Cong. Arthur Robes

Nais nating ipaabot ang problemang ito kay Mayor Rida Robes. Posibleng hindi nakakarating sa kanyang tanggapan ang usaping ito na unti-unting sumisira sa imahe ng ating maunlad na lungsod. Paki-bulong na rin kay Congressman Arthur Robes na kapag patuloy na lumaki ang backlog na ito, lalong talamak na korapsyon ang papasok—isang malinaw na paglabag sa Ease of Doing Business Act at banta sa lokal na ekonomiya.

Paging Mayor Rida Robes at Cong. Arthur Robes: Paki-aksyunan po ang talamak na problemang ito sa BFP at BPLO ng SJDM bago pa tuluyang mapilayan ang mga lokal na negosyo dahil sa 3-buwang paghihintay ng permit.

Prime Water, Palpak at Pahirap sa Konsyumer

Ihabol na rin natin ang hiling ng taumbayan na maibalik na sa lokal na pamahalaan ang pamamahala ng distribusyon ng tubig mula sa Prime Water. Tiyak na malaking komplikasyon ang kakaharapin sa mga bayarin at mga nakatiwangwang na proyekto ng nasabing kumpanya.

Lalong kinakawawa ang mga konsyumer na siyang pumapasan sa lahat ng uri ng penalty at operational losses. Sana ay mabigyan ito ng konkretong aksyon. Kung susuriin, ang pagbabagong ito ay ipinasa at sinang-ayunan ng Sangguniang Panlungsod noon, ngunit malinaw na pumalpak ang Prime Water sa kanilang serbisyo.

Talamak na Batang Palaboy at Pulubi
Isama na rin natin sa listahan ng dapat aksyunan ang dumaraming batang palaboy at mga matatandang namamalimos na nagkalat sa mga kalsada at pangunahing lugar sa lungsod. Kung hindi ito masosolusyunan, baka bansagan na tayong “City of Vagrants.” Ang masakit pa rito, kapag hindi mo nabigyan, sila pa ang galit.

Aksyon na po, Mayora Rida at Congressman Arthur Robes!

Buksan ang Aking Kolum:
Bukas ang espasyong ito para sa inyong panig, paglilinaw, o tugon. Para sa anumang sumbong o lokal na problema, mag-email lamang sa: arnelpetil12@gmail.com o bisitahin ang aking YouTube Channel: MisyonAksyonArnelDadorPetil. Maaari ninyo akong tawagan sa CP: 09949693361.