Advertisers
Mas pinagtitibay ngayon ng Police Regional Office 5 (PRO-5) sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Andre P. Dizon Miranda ang pangmatagalang sistema ng public safety, disaster preparedness, at peace and order operations sa buong Bicol Region sa pamamagitan ng malawakang reporma, modernisasyon ng police response, at institutionalized security mechanisms na layong gawing mas mabilis, organisado, at episyente ang pagtugon ng kapulisan sa anumang uri ng banta at sakuna.
Sa loob lamang ng unang 100 araw ng kanyang panunungkulan bilang regional director, kapansin-pansin umano ang naging pagbabago sa direksyon ng operasyon ng PRO-5. Mula sa tradisyunal na “reactive response,” isinulong ni Miranda ang mas maagap, mas sistematiko, at mas people-centered na paraan ng pagpapatupad ng tungkulin ng kapulisan.
Sa ilalim ng kanyang liderato, hindi lamang nakatuon ang PRO-5 sa kampanya laban sa kriminalidad kundi maging sa pagpapalakas ng disaster resilience, intelligence coordination, at community engagement upang mas mapalapit ang serbisyo ng pulisya sa mamamayan.
Isa sa mga pangunahing programang isinulong ni Miranda ang “Bicol Shield” strategy na nagsisilbing pangunahing security framework ng PRO-5. Layunin nitong pagtibayin ang seguridad ng rehiyon sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence operations, strategic deployment ng mga pulis, at mas malawak na koordinasyon sa iba’t-ibang law enforcement agencies at local government units.
Sa pamamagitan ng programang ito, matagumpay na naipatupad ng PRO-5 ang seguridad sa mga high-profile activities, pagbisita ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, at international dignitaries sa Bicol Region. Dahil sa maayos na security planning at operational discipline, nanatiling ligtas at maayos ang mga aktibidad nang walang naitalang seryosong insidente o banta sa seguridad.
Ayon sa mga opisyal ng PRO-5, naging simbolo ng “gold standard of security” ang Bicol Shield dahil sa mahusay na execution ng security measures habang napapanatili pa rin ang maayos na pakikisalamuha ng publiko sa mga opisyal ng gobyerno.
Hindi rin nagpahuli si Miranda sa pagpapalakas ng disaster preparedness at emergency response capability ng PRO-5 lalo na’t kabilang ang Bicol Region sa mga lugar na madalas tamaan ng malalakas na bagyo, pagbaha, landslide, at volcanic activity.
Sa ilalim ng programang “KASUROG D.E.A.R.,” binigyang-diin ni Miranda na ang tunay na kahandaan ay nagsisimula bago pa man dumating ang kalamidad. Dahil dito, isinulong ng PRO-5 ang mas organisadong disaster response system na may malinaw na chain of command, mabilis na mobilization ng resources, at maayos na koordinasyon sa mga local disaster councils, rescue teams, volunteers, at national government agencies.
Binigyang-prayoridad din ni Miranda ang institutionalization ng response mechanisms upang matiyak na ang dating pansamantalang hakbang sa panahon ng sakuna ay maging permanenteng bahagi ng public safety infrastructure ng rehiyon.
Kabilang dito ang pagtatayo ng Border Control Points (BCPs), Permanent Danger Zone (PDZ) outposts, at Police Assistance Centers na nagsisilbing mahalagang sentro ng law enforcement coordination, rescue operations, at public assistance sa iba’t ibang strategic areas sa Bicol Region.
Ayon sa PRO-5, ang mga pasilidad na ito ay malaking tulong hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi maging sa pagpapatupad ng peace and order operations, anti-criminality campaigns, at monitoring sa mga lugar na may mataas na banta sa seguridad.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Miranda, mas pinaigting ang police visibility sa mga komunidad upang mapanatili ang presensya ng kapulisan sa mga pampublikong lugar, terminal, pamilihan, at iba pang matataong lugar sa rehiyon.
Kasabay nito, mas pinaigting din ang kampanya laban sa illegal drugs, loose firearms, illegal gambling, at iba pang uri ng kriminalidad sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang law enforcement agencies at local chief executives.
Kilala rin si Miranda bilang isang lider na may istriktong pagpapatupad ng disiplina sa hanay ng kapulisan. Ayon sa kanyang mga kasamahan, mahigpit ito sa operasyon at accountability ngunit may malasakit sa kanyang mga tauhan at sa publiko.
Personal din umano nitong mino-monitor ang implementasyon ng mga programa at regular na nagsasagawa ng field inspections upang matiyak na maayos na naipatutupad ang mga direktiba ng PRO-5 sa iba’t- ibang probinsya ng rehiyon.
Bukod sa operational efficiency, pinagtutuunan din ni Miranda ng pansin ang kapakanan ng mga pulis at kanilang pamilya. Kabilang dito ang pagpapalakas ng morale and welfare programs upang mas mapanatiling motivated at handa ang hanay ng kapulisan sa kanilang tungkulin.
Pinalakas din ng PRO-5 ang community-based programs sa ilalim ng kanyang administrasyon upang mas mapalawak ang ugnayan ng pulisya at mamamayan. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay, paaralan, religious groups, civic organizations, at volunteers, mas naging aktibo ang partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Ayon sa ilang local officials sa Bicol Region, malaki umano ang naitulong ng mga repormang isinulong ni Miranda sa pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng PNP at mga lokal na pamahalaan lalo na sa panahon ng emergency situations at malalaking aktibidad sa rehiyon.
Sa kabila ng iba’t-ibang hamon tulad ng kriminalidad, insurgency, illegal drugs, at banta ng kalamidad, nananatiling nakatuon si Brig. Gen. Andre P. Dizon Miranda sa kanyang layunin na gawing mas ligtas, mas organisado, at mas handa ang buong Bicol Region.
Para sa maraming Bicolano, ang unang 100 araw ni Miranda bilang regional director ng PRO-5 ay hindi lamang simpleng panahon ng panunungkulan kundi nagsisilbing simula ng mas moderno, disiplinado, at mas maaasahang serbisyo ng kapulisan sa rehiyon.
Sa patuloy na pagpapatupad ng kanyang mga programa, inaasahan ng marami na lalo pang titibay ang seguridad, disaster preparedness, at public trust sa Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Andre P. Dizon Miranda.(R.Ang)