Advertisers

Advertisers

ISKO, NAGPASALAMAT KAY PBBM SA P88.5M SCHOLARSHIP

0 6

Advertisers

Pinuri ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nang personal na ipamahagi ng Pangulo ang kabuuang P88.52 milyong halaga ng scholarship assistance sa 4,426 graduating college students mula sa anim na distrito ng lungsod.
Isinagawa ang pamamahagi ng tig-P20,000 na ayuda sa bawat benepisyaryo sa Rizal Memorial Stadium noong Hunyo 3 bilang bahagi ng programang pang-edukasyon ng Office of the President na naglalayong matulungan ang mga estudyanteng malapit nang makatapos ng kolehiyo ngunit nahaharap sa kakulangan sa pananalapi.
Ayon kay Domagoso, patuloy ang suporta ni Pangulong Marcos sa mga Manileño sa pamamagitan ng iba’t-ibang programang pangkabuhayan at pang-edukasyon.
“Hindi tumitigil si Pangulong Marcos na tulungan ang Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso. “Nagkakasama-sama tayo ngayon dahil sa panibagong tulong mula sa Office of the President sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos.”
Ipinabatid din ng alkalde sa Pangulo na nagsimula na ang ikalawang bugso ng distribusyon ng programang “Biyayang Bigas para sa Maynila,” na pangunahing nakatuon sa mga manggagawa at residente ng lungsod.
“Simula kahapon ay ipinamamahagi na ang ikalawang tranche ng inyong programang ‘Biyayang Bigas para sa Maynila,’ lalo na para sa ating mga manggagawa,” dagdag ni Domagoso.
Ang 4,426 na benepisyaryo ay nagmula sa 896 barangay sa anim na congressional district ng Maynila. Bawat isa ay tumanggap ng P20,000, na nagresulta sa kabuuang pondong P88,520,000 para sa lungsod.
Ayon naman kay Pangulong Marcos, bahagi ang programa ng inisyatibong “Bawat Bayan ay Makikinabang,” na idinisenyo upang matulungan ang mga estudyanteng nasa huling yugto ng kanilang pag-aaral ngunit nanganganib na hindi makatapos dahil sa kakulangan ng pambayad sa matrikula at iba pang gastusin.
“Sabi namin, mamili kayo sa bawat barangay ng limang estudyante na bibigyan natin ng tulong. Ang piliin ninyo ay iyong mga magtatapos na pero baka hindi makatapos dahil kulang sa pambayad o kailangan nang magtrabaho,” paliwanag ng Pangulo.
Binanggit din ni Marcos ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na nagpapakitang halos 29 porsiyento ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang hindi nakapagtuloy ng pag-aaral noong 2025. Aniya, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit inilunsad ang scholarship program.
Sa ilalim ng patakaran ng Office of the President, saklaw ng programa ang lahat ng 42,000 barangay sa buong bansa. Limang iskolar ang pinipili sa bawat barangay at tumatanggap ng tig-P20,000 mula sa inilaan na P100,000 para sa scholarship. Ang natitirang P100,000 mula sa Social Civic Development Program ay maaaring gamitin ng mga barangay para sa iba pang pangangailangan ng kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng programang ito, libu-libong kabataang Manileño ang nabigyan ng karagdagang pag-asa na maipagpatuloy at matapos ang kanilang pag-aaral, habang patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang suporta nito sa edukasyon bilang puhunan sa kinabukasan ng bansa.(BP)