Advertisers
May nagaganap bang paligsahan sa Senado? Bakit mo naman naitanong iyan? Base kasi sa mga nasasaksihan natin nangyayari ngayon sa Mataas na Kapulungan, pinag-aagawan ang Senado partikular na ang posisyong Senate President -iyon bang – parang ginagawang gantipala (tropeo) ang Senado lalo na ang pagiging SP, para bang mayroon nangyayaring paligsahan.
Kaya hindi natin masisisi ang mga apektadong mamamayan kung nakikita nilang mistulang palaruan na ang Senado. Tandaan sana ng mga nanalong ibinoto ng milyong-milyon Pilipino na hindi isang palaruan o premyo ang Senado kung hindi itinaguyod ito para sa kapakanan ng mamamayan.
Kaya may punto rin si Senate President Alan Peter Cayetano sa pagsabing ang Senado ay hindi premyo na basta na lang maaaring angkinin ng kahit sino.
Paalala ito ni SP Cayetano sa gitna ng matinding bagyo ng politika na humahagupit ngayon sa Mataas na Kapulungan. Kung suriin, may katwiran si Cayetano lalo na rin sa pagsabing hindi dapat lumuhod ang Senado sa takot, media frenzy, at pampublikong pagpapahiya.
Sa nangyayari ngayon. masasabi bang nakararanas ng panggigipit ang bagong mayorya? Natanong natin ito dahil para bang may pattern na nagaganap ngayon sa pag-atake sa mayorya. Mayroon nga ba? Nandyan daw kasi ang banta ng aresto laban sa mga mambabatas tulad nina Senador Jinggoy Estrada, Chiz Escudero, Rodante Marcoleta, at Joel Villanueva. Maging nga si SP Cayetano at mga empleyado ng Senado, ay pilit na sinasampahan ng kaso ukol sa mga naganap na tensyon kamakailan.
Katunayan, mismo si Estrada ay nagbunyag na may mga nag-alok na ibasura ang kanyang kaso kapalit ng pagtalikod sa Majority Bloc. Isang “kalokohan” ayon sa senador, lalo pa’t sertipikado ng Senate LBRMO na wala siyang anumang “insertions” sa 2025 budget.
Ang alok ay dahil ba lilitisin ng bagong liderato ang mga bilyong isyu, kagaya ng flood control scam, ang mga anomalya na kinasasangkutan ni Henry Alcantara, at ang mga kongresistang kasabwat ng mga contractors? Ano ba ang mayroon upang katakutan ang katotohanan kaya pilit na ginigipit ang Senado?
Ano pa man, linawin natin ang lahat ha my dear Fellow Pilipino. Wala naman nagsabing huwag panagutin ang may sala. Hindi naman hiningi ni Cayetano na itigil ang proseso ng batas at sa halip, ang kanyang ipinaglalaban ay ang institusyonal na kalayaan ng Senado.
May malaking pagkakaiba ang pagpapatupad ng batas sa paggawa ng isang “political circus”. Kapag ang isang co-equal branch ng pamahalaan ay kumikilos na lang dahil sa takot o pressure mula sa labas, doon nagpapasimula ang pagbagsak ng demokrasya.
“I am speaking truth that each senator already knows — the independence of this institution, and the legal standing of any of its members, are not currencies. The day they become things to be traded, is the day that the Senate is diminished. And after the Senate, the Republic”, ani SP Cayetano.
Hiniling ni SP Cayetano sa minorya na magkaisa sa isang simbolikong hakbang – ang panandaliang katahimikan pero hindi ito ibig sabihin na isang pag-atras kung saan ang kahulugan ng “katahimikan” ay upang mapaisip ang sambayanan kung …”malaya pa ba talaga ang Senado kung bawat galaw nito ay kailangang idikta ng political pressure?”
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang Senado ay hindi alipin ng administrasyon o ng oposisyon. Ang Senado ay itinayo para maging independiyenteng tagabantay (checks and balances), at lalong hindi extension ng kung sinong makapangyarihan.
Bukod dito, hindi rin ito nadidiktahan ng ingay kung hindi ang tunay na Senado ay nagpapasya batay sa katwiran at batas, hindi sa takot sa social media o sa banta ng mga kalaban.
Kaya, kapag nasanay ang Senado na sumunod sa dikta ng panggigipit, mawawalan ito ng silbi. Hindi na ito Senado at sa halip ay isa na lamang institusyong nakaluhod habang nagpapanggap na malaya. At kapag nangyari ‘yan, hindi lang ang mga senador ang talo, kundi ang buong sambayanang Pilipino.