Advertisers
ARESTADO ang 26-anyos na babae nang patayin ang 11-buwan na sanggol na kaniyang inaalagaan at itago ang bangkay nito sa loob ng bag sa Barangay Pasong Putik, Quezon City.
Ayon sa pulisya, una pang nag-report ang “yaya” Mayo 30 na dinukot ng dalawang lalaki ang sanggol mula sa kanilang inuupahang apartment. Gayunman, walang nakitang ebidensya ang mga awtoridad at CCTV footage na sumusuporta sa kaniyang pahayag.
Sa isinagawang inspeksyon sa apartment, natagpuan ng mga pulis ang naaagnas nang katawan ng sanggol sa loob ng sako bag sa ikalawang palapag ng bahay.
Sinabi ni Lt. Colonel Timothy Aniway Jr. na kalaunan ay inamin ng babae ang krimen.
Lumitaw sa imbestigasyon na selos at matinding pagod ang posibleng motibo sa krimen. Ayon sa babae, mas binibigyan ng atensyon ng kaniyang live-in partner, na tiyuhin ng biktima, ang sanggol kaysa sa kanilang sariling anak.
Napag-alamang nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina ng sanggol at ipinagkatiwala ito sa salarin sa loob ng halos tatlong buwan, habang nasa probinsya naman ang ama nito.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit ang salarin. (Boy Celario)