Advertisers
ALAM kong matagal niyo nang alam ang katagang titulo ng ating talakayan ngayon – iba kapag ikaw ay mahirap.
Dito sa Pinas, siyempre alam niyo na rin na mas mahirap kaysa sa mga nakakaangat sa buhay.
Ganito natin ilarawan. Ang mahirap kapag nakagawa ng pagkakamali, halimbawa na lamang at nakapangupit ay nakukuha agad ng ating mga awtoridad. Pinapasok sa kanilang bahay para mahuli may warrant man o’ wala. Minsan bago mo pagbuksan ng pinto ay baka na agad ang isasalubong sa iyo.
Pero kung ikaw ay nakakaangat sa buhay, di ka agad kinukuha o’ makuha, dahil alam ng mga awtoridad na may kakayahan kang rumesbak. May abogado ka na agad dumidepensa sa iyo, para di ka salubungin ng bala, at sabihing nanlaban ka.
Eh di lalo na kung mambabatas pa, o’ sabihin na nating may posisyon sa pamahalaan. Nangupit ka na at nagnakaw, lalong di ka mahuhuli-huli. Nakalabas sa bansa agad, sa lawak ng koneksiyon at impluwensiya sa dami ng nakulimbat.
Iba talaga kapag-mahirap, bukod sa di ka nakakain ng masasarap, sunod-sunuran ka pa sa mga magbibigay ng ayuda o’ tulong. Alam naman natin yun, tinatanaw nating ‘utang na loob’ ang mga ganoong bagay. Di gaya ng mayayaman na Isang kainan lamang at gumastos na agad ng daang libong piso. Nabubusog naman kaya sila kapag ganun kamahal ang kinain?
Malaki talaga ang pagkakaiba. Pero kahit nakakarami nga ang mga mahihirap, marami sa atin ang parehas, di nanglalamang. Kumakayod, pinagpapawisan ang kinikita at ibinubuhay sa pamilya. Di gaya ng ibang mayayaman, sa panggugulang kumikita, masistemang pagnanakaw ang ikinabubuhay.
Sana, magbago ang ihip ng hangin dito sa Pinas, at makaranas din ng kagipitan ang mga mayayaman na gumanda ang buhay sa maling paraan.
Makulong at magdusa ang mga nagpadala sa bayan.