Advertisers

Advertisers

40,000 Pamilya sa Caloocan, tumanggap ng libreng bigas

0 2

Advertisers

Patuloy na pinakikinabangan ng libu-libong residente ng Caloocan ang programang Assistance to Indigent Individuals or Families (AIIF) kung saan mahigit 40,000 benepisyaryo na ang nakatanggap ng tig-10 kilong bigas sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) sa pagtutulungan ng pamahalaang nasyonal at ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.
Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.
Sinabi ng alkalde na malaking ginhawa ang naidudulot ng ayuda sa bigas dahil isa ito sa pinakamahalagang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino. Aniya, sa pamamagitan ng programang ito ay nababawasan ang araw-araw na gastusin ng mga benepisyaryo at nagkakaroon sila ng karagdagang kakayahan upang tugunan ang iba pang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang maayos na distribusyon ng mga sako ng bigas upang matiyak na makarating ang tulong sa mga kwalipikadong residente. Naging posible ang implementasyon ng programa sa pamamagitan ng koordinasyon ng lokal na pamahalaan at ng pambansang gobyerno na kapwa naglalayong maibsan ang epekto ng kahirapan sa komunidad.
Binigyang-diin ni Mayor Along Malapitan na patuloy ang kanyang administrasyon sa paghahanap ng mga programang makatutulong sa mga residente, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.
“Patuloy nating ilalapit sa ating mga kababayan ang mga programang magbibigay ng ginhawa sa kanilang pamumuhay. Hangad natin na walang maiiwan at lahat ay maramdaman ang malasakit ng pamahalaan,” pahayag ng alkalde.
Nagpasalamat naman ang maraming benepisyaryo sa natanggap na ayuda, na ayon sa kanila ay malaking tulong upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain sa mga susunod na araw.
Tiniyak din ni Mayor Malapitan sa mga tinaguriang “Batang Kankaloo” na mananatiling handang umagapay ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa anumang hamon na kanilang kinahaharap, kasabay ng pagpapatuloy ng iba pang programang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan para sa kapakanan ng bawat residente.(BR)