Advertisers

Advertisers

Coco Martin tinanggihan milyon offer na mag-endorse ng sugal

0 3

Advertisers

By Anne Venancio

Nilinaw ng Kapamilya Primetime King na si Coco Martin na wala siyang interes na pumasok sa pulitika, sa kabila ng matagal nang spekulasyon at paulit-ulit na tanong sa kanya tuwing eleksyon.

Sa contract signing event nila ni Julia Montes para sa Regasco, sinabi ng aktor na hindi niya nakikita ang sarili bilang public servant. Matagal na niyang desisyon ito dahil alam niya ang bigat at kumplikasyon ng trabaho sa gobyerno.

Bagama’t kinikilala niya ang mga tapat na opisyal ng bansa, iginiit ni Coco na mas pinipili niyang tumulong sa pamamagitan ng kanyang trabaho bilang artista at paggamit ng kanyang platform para sa kapakanan ng iba.

Mas pinili rin umano niya ang tahimik na pamumuhay at maayos na trabaho kaysa pumasok sa pulitika na madalas ay nauuwi sa intriga at kritisismo.

Samantala, inamin din ng aktor na may mga endorsement offers siyang tinanggihan, kabilang ang alok mula sa isang gambling brand, dahil hindi ito tugma sa kanyang paniniwala. Mahalaga sa kanya ang pinanggalingang buhay ng sipag at tiyaga kaya hindi niya kayang i-endorso ang anumang bagay na maaaring makaapekto nang negatibo sa iba.

Kahit pa malaki ang alok na halaga, pinili pa rin niyang tumanggi matapos itong pag-usapan kasama ang kanyang partner na si Julia Montes at kanyang manager. Mas mahalaga para sa kanya ang integridad at tiwala ng publiko kaysa anumang malaking halaga ng pera.