Advertisers
NASAWI ang anim na manggagawa ng isang construction company at 12 ang sugatan nang magbangaan ang isang pickup truck at isang mini dump truck na diretsong nahulog sa bangin sa mabundok na bahagi ng kalsada ng Barangay Bolo, Labrador, Pangasinan, Martes ng gabi.
Sa report ng Pangasinan Police, 6:15 ng gabi nang mangyari ang malagim na trahedya sa mountain trail road ng nasabing lugar.
Ayon kay Captain John Ramos, hepe ng Labrador Police, dead-on-arrival sa pagamutan ang lima sa mga biktima na kinabibilangan ng isang 39-anyos at 36- taon gulang na taga-Brgy. Bolo, habang ang tatlo ay nagkakaedad ng 47, 36, at 25.
Samantala, binawian ng buhay ang ikaanim na biktima Miyerkules ng umaga habang isinasalba ang buhay nito sa pagamutan.
Ayon sa pulisya, ang mga nasawi ay pawang manggagawa ng Solar farm construction company na lulan ng mini dump truck.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang mga sugatan, na sinaklolohan ng mga operatiba ng Labrador Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na maiahon sa bangin at madala sa pagamutan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na magkasunod na bumabagtas sa mountain trail road ang Nissan Navarra pickup truck na sinasakyan ng mga empleyado ng China Communication Services Philippines Corporation, at isang Sinotruck mini dump truck na lulan ang mga manggagawa ng Human Construction Engineering Group ng Solar farm construction company. Sinasa-bing nasa halos 40 katao ang sakay ng naturang dalawang sasakyan.
Pagdating sa nasabing bahagi ng kalsada, na may matarik na kurbada, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng mini dump truck dahil nagloko ang preno ng sasakyan, bunsod upang bumangga ito sa kaliwang bahagi ng pickup truck na maraming sakay bago tuluyang mahulog sa bangin ang mini dump truck sa tabi ng matarik na kalsada.
Wala naman gaanong pinsalang tinamo ang driver ng pickup truck pero dinala rin siya sa pagamutan para sa medical examination.