Advertisers
HALOS 200 residente ng San Jose del Monte, Bulacan ang lumusob sa harap ng Las Piñas Hall of Justice upang ipahayag ang kanilang galit laban sa PrimeWater Infrastructure Corporation kaungnay sa umano’y hindi maayos na serbisyo nito sa kanilang lalawigan.
Ang naganap na kilos-protesta mula sa ibat-ibang grupo ay lalong sumiklab matapos umanong hindi nila matagpuan ang opisina ng PrimeWater Infrastructure Corp. mula sa address na nakalista sa online nito.
Ayon kay Jonathan Chua, Pangulo ng Small Entrepreneurs for Livelihood Development Association (SELDA) at kinatawan ng SENTRO-AKBAYAN Party-list sa San Jose del Monte, hinihiling nila sa Las Piñas Regional Trial Court na dinggin ang mga hinaing ng mga residenteng umano’y naapektuhan ng serbisyo ng PrimeWater.
Iginiit ng mga grupo na dapat mabigyang-pansin ang patuloy na problema sa suplay ng tubig na nakaaapekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.
Sinabi ng ilang residente na mas lalong nadadagdagan ang kanilang gastusin dahil bumibili pa sila ng malinis na tubig upang inumin kaysa sa kulay ‘dlaw’na tubig na lumalabas sa kanilang gripo.
Ilang taon na rin silang nagdurusa sa pasulpot-sulpot na suplay ng tubig sa kanilang lugar kaya’t idinulog nila ang problema sa lokal na pamahalaan. Gayunpaman, sa halip na sila ang magreklamo sa nasabing kumpanya ay sila pa ang kinasuhan nito.
Kinuwestiyon din ng mga residente kung bakit sa Las Piñas isinampa ng PrimeWater ang kaso at kung bakit doon ito humingi ng injunctive relief, gayong nasa Taguig ang nakalantad nitong opisina habang nasa San Jose del Monte, Bulacan naman ang mga pasilidad at mga apektadong konsyumer.
Dahil dito, nanawagan ang mga grupo ng malinaw na paliwanag kung bakit sa Las Piñas isinampa ang kaso.
Matatandaang nahaharap sa kontrobersiya ang PrimeWater dahil sa mga reklamong madalas na pagkawala ng tubig, mahinang water pressure, maruming suplay ng tubig, at mataas na singil sa ilang lugar sa bansa. (JOJO SADIWA)