Advertisers
“MAUGONG” na ang mga balita hinggil sa mangyayaring “balasahan” sa administrasyon sa pagtatapos ng ‘one-year election ban’ sa susunod na buwan.
At isa sa sinasabing “napipisil” ng Malakanyang na mabigyan ng puwesto ay si dating Albay Second District Representative Joey Salceda na ang ambisyon na muling makabalik bilang gubernador noong 2025 elections ay “sinilat” ni Gob. Noel Rosal.
“Ibibigay” umano kay Salceda ang ‘PLLO’ (Presidential Legislative Office),isang ‘Cabinet-rank position’ na responsable upang matiyak na maging batas ang mga ‘priority bills’ ni Pang. BBM.
Bukod sa pagiging beteranong pulitiko at kilalang “ekonomista,” dati na ring naglingkod bilang
‘Presidential Chief of Staff’ si Cong. Joey kay PGMA kaya sadyang alam niya ang kanyang dapat na mga gawin sakaling maging ‘liaison’ ng Palasyo sa Kongreso at Senado.
Pagkakataon na rin ito ni Cong. Joey na “maisingit” ang matagal na niyang ‘pet bill’ na gumawa (na naman)o ng bagong departamento na nakatutok sa ‘disaster risk reduction’ na pangunahing responsibilidad ng ‘OCD’ (Office of the Civil Defense) at ng ‘NDRRMC’ (National Disaster and Risk Reduction Management Council) na isa sa malaking responsibilidad ni DND Secretary Gibo Teodoro—at nagagampanan naman niya ng maayos.
Totoo, kailangan talagang palagi tayong handa sa mga delubyo at kalamidad subalit kagyat bang solusyon na “dagdagan” (na naman) ang ating burukrasya? Totoo rin na marami pang dapat gawin upang mapalakas ang ating kahandaan pero, ang bagong departamento ba talaga ang solusyon? O mas mainam na tingnan kung paano pa palalakasin ang OCD at NDRRMC?
Kung sa pagiging “makulit,” sadyang “makulit” si Cong. Joey para mangyari ang kanyang gusto. Patunay dito ang TRAIN Law, CREATE Law, amyenda sa Senior Citizens Law at Free College Education Law—magagandang batas na kung hindi “tinutukan” ni Cong. Joey, malabong naging mga batas.
Ang “problema” nga lang, dahil ‘obsessed’ siya sa paggawa ng bagong departamento, hindi kaya “masakripisyo” ang mga panukala na agarang gustong maipasa ng Pangulo? Sa nakaraang LEDAC, nagkasundo ang Palasyo at Kongreso sa ’21 priority bills’ na dapat tutukan ng ika-20 Kongreso. At WALA sa mga ito ang bagong Department of Disaster and Risk Reduction ni Cong. Joey.
At papayag din kaya ang ibang Gabinete na “sagasaan” at “sakupin” ni Cong. Joey ang kanilang mga “teritoryo” katulad ng DND, DILG, DOST, etc.?
Abangan!