Advertisers
Muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes na magtatag ng isang hiwalay na ahensya ng gobyerno na tututok sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Aniya, bagaman malaki na ang inunlad ng gobyerno sa pagbibigay ng agarang ayuda, nananatili pa ring hamon ang tuluyang pagpapabangon sa mga apektadong komunidad.
Sa pagbisita niya nitong June 23 sa mga lugar na tinamaan ng lindol sa Davao Region, Sarangani, at General Santos City, sinabi ng senador na dapat palakasin pa ang mga programa sa rehabilitasyon.
“Ang aming gusto ay lumakas ang ating rehabilitation [efforts]. Magaling na ang gobyerno sa relief pero y’ung rehabilitation [hindi nabibigyan ng sapat na atensyon],” wika ni Cayetano.
Si Cayetano ang may-akda ng Senate Bill No. 105, ang panukala na itinutulak niya mula noong 2013, na naglalayong likhain ang Emergency Response Department (ERD), isang ahensyang “science-based, people-centered” na mangangasiwa sa disaster management, mula sa risk mitigation hanggang rehabilitasyon.
Binigyang diin ng senador na ilang beses nang napatunayang napuputol ang mga programa sa rehabilitasyon dahil nasasapawan ito ng mga panibagong krisis.
Binanggit niya ang nangyari sa Bohol matapos ang malakas na lindol noong October 2013. Hindi pa man ganap na nakababangon ang lalawigan ay tumama naman ang Super Typhoon Yolanda makalipas lamang ng ilang linggo. Kasunod nito ay dumating pa ang Marawi siege at kalaunan ay ang COVID-19 pandemic na lalo umanong nagpabagal sa mga programa sa rehabilitasyon.
Dahil dito, iginiit ni Cayetano na kailangan ng isang ahensyang may iisang tungkulin — ang tiyaking tuloy-tuloy ang rehabilitasyon kahit mawala na sa sentro ng atensyon ang isang kalamidad.
“We have to have a separate entity na panay rehabilitation [ang tututukan]… Magagaling ang agency natin pero kalat kapag walang tututok,” wika niya.
Ayon sa senador, nasa 34,000 kabahayan at 69 na pangunahing pampublikong imprastraktura sa General Santos City ang nangangailangan ng pagkukumpuni o muling pagtatayo.
Kailangan din aniyang tutukan ang rehabilitasyon sa ilang lugar sa Sarangani, Davao Oriental at Sultan Kudarat na naapektuhan ng lindol.
“Kailangan pagdating sa pagmi-mitigate ng mga disasters at saka pagdating sa rehabilitation, may isang natuturo, may isang accountable, at isang nakatutok talaga d’yan,” wika ni Cayetano.