Advertisers
SINABI ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, natukoy ng mga social worker na may discernment o ganap na pag-unawa sa kanyang mga ginawa ang 15-anyos na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Ayon kay Gatchalian, ang naturang assessment ay isusumite sa korte, na siyang magpapasya kung tatanggapin ito bilang batayan sa kaso. Hinihintay din ng DSWD ang resulta ng psychological assessment sa 15-anyos at 14-anyos na suspek upang makabuo ng angkop na intervention program.
Nauna nang nagsampa ng kasong kriminal ang mga awtoridad laban sa 15-anyos na suspek, habang exempted naman sa criminal liability ang 14-anyos sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act. Kapwa sila kasalukuyang nasa Regional Rehabilitation Center for Youth.
Kasabay nito, sinabi ni Gatchalian na handa ang DSWD na makilahok sa pagtalakay sa panukalang ibaba ang edad ng criminal liability.
Aniya, mahalagang suriin kung kinakailangan bang amyendahan ang batas o kung ang problema ay nasa implementasyon nito, lalo na sa harap ng mga bagong hamon tulad ng internet, bullying, at iba pang risk factors.