Jojo Flores: Wala Nang Koneksyon sa Jams Artist Production, Pokus na sa JAMSAP Entertainment Corporation
Advertisers
By Mercy Lejarde
Nilinaw ni JAMSAP Entertainment Corporation President at CEO Jojo Flores na wala na siyang anumang koneksyon sa Jams Artist Production. Aniya, nakatuon na ang kanyang buong panahon, atensyon, at pamumuno sa patuloy na pagpapatatag at pagpapalawak ng JAMSAP Entertainment Corporation, JAMSAP TV, at JAMSAP Entertainment Academy.
Ayon kay Jojo, mahalagang maging malinaw sa publiko na ang JAMSAP Entertainment Corporation at ang Jams Artist Production ay dalawang magkaibang entidad.
“Iba na ang direksyong tinatahak ko. Ang buong pokus ko ngayon ay ang pagpapalago ng JAMSAP Entertainment Corporation at ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipinong may talento sa pamamagitan ng JAMSAP TV at JAMSAP Entertainment Academy,” ani Jojo.
Dagdag pa niya, isa rin itong panibagong yugto sa kanyang personal na buhay.
“Single na rin po ako at buong puso kong tinatanggap ang bagong kabanatang ito. Ang lahat ng aking oras, lakas, at dedikasyon ay ilalaan ko sa aking pananampalataya, pamilya, negosyo, at sa pagtulong na matupad ang mga pangarap ng mas maraming kabataang Pilipino.”
Patuloy namang pinalalawak ng JAMSAP Entertainment Corporation ang mga programa at inisyatiba nito sa larangan ng entertainment, digital media, sports, at talent development. Layunin nitong makapagbigay ng positibong impluwensya at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong may talento.
Nananatiling gabay ni Jojo ang kanyang personal na paninindigan:
“Every Dream Is Valid.”
At ito ang mensaheng nais niyang iparating sa bawat nangangarap:
“Be the change that you wish to see in the world.”
Para sa mga panayam, business inquiries, at iba pang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa:
JAMSAP Entertainment Corporation
Website: https://jamsaptv.com
——-
Tuloy-tuloy ang kilig na hatid nina JM Ibarra at Fyang Smith sa kanilang vertical rom-com series na “Will You Fake Marry Me?” matapos nitong ilabas ang Part 2 episodes sa iWant na nag-trending din sa social media.
Matapos ang premiere ng bago nitong episodes noong Hulyo 15, agad na napasama sa top trending topics ng X ang “JMFYANG WYFMM PART 2” at “#WillYouFakeMarryMe.” Pinuri ng mga netizen ang kwento nito pati ang kilig at husay sa pag-arte ng tambalang JMFyang.
Patuloy na napapabilang ang “Will You Fake Marry Me?” sa most-watched charts ng iWant magmula nang una itong ipalabas noong Hunyo 30, at kasalukuyang humahakot din ang unang limang episode nito ng mahigit 37 milyong views sa Facebook, TikTok, at YouTube.
Katuwang ang PlayTime Entertainment sa produksyon at sa direksyon ni Jojo Saguin, ipinagpatuloy sa Part 2 ng vertical serye ang kwento ng fake engagement nina June (Fyang) at Ping (JM) para sa iniwang pamana ng yumaong kamag-anak. Sa kabila ng kanilang pagpapanggap na ikakasal, uusbong naman ang tunay na pag-iibigan na namamagitan kina June at Ping.
Mapapanood na ang lahat ng episodes ng “Will You Fake Marry Me?” sa iWant habang libre pa ring mapapanood ang episodes 1-5 sa Facebook, TikTok, at YouTube pages ng iWant at ABS-CBN Entertainment.