Advertisers
BALEWALA sa lokal na kapulisan ng Oriental Mindoro ang babala ng kanilang Philippine National Police (PNP) Chief, Police Director General Jose Melencio Nartatez Jr. vs Protektor.
Sinabi ni Nartatez na wala siyang sisinohin sa mga police commander na mabibigong patigilin ang illegal sa kanilang hurisdiksyon dahil alam niyang kapado ng mga pulis ang lahat ng sugal sa kanilang mga lugar.
Ganon naman pala, bakit hanggang ngayon patuloy na namamayagpag ang mga Peryahan na pulos sugal tulad ng ‘color games at drop ball baraha’ maging ang jueteng sa labing apat na bayan at isang siyudad sa Oriental Mindoro.
Mag espleka nga kayo Oriental Mindoro Provincial Director PCol Edison Revita at PRO MIMAROPA Regional Director PBGen Christopher Dela Cruz, mga Sir!
Mantakin nyo mga mare at pare ilang taon ng namamayagpag ang lantarang sugal na ‘color games at drop ball’ na ang front ay Peryahan at Jueteng sa balwarte ng mga nabanggit na opisyal.
Sa kabila ng mahigpit na babala ng hepe ng pambansang pulisya na kanyang sisipain este sibakin pala at kakasuhan batay sa polisiya na ‘No Take at One Strike’ Policy sa mga protektor ng iligal pero nananatiling untouchable ang presensiya ng iligal na sugal sa lalawigan ni Gov. Humerlito “Bonz” Dolor.
Oo tama, patuloy na namamayagpag sa Areas of Responsibility (AoR) nina Col Revita at Gen. Dela Cruz ang pinagpipiyestahang sugal gabi-gabi sa nasabing probinsya na mistulang mga mini casino.
Batay sa sumbong na ipinarating sa pitak na ito ng ilang concerned citizen ipinangangalandakan ng mga bigtime at maimpluwensiyang gambling operator na naka ‘timbre’ ang mga pasugalan nila sa mga nabanggit na police officials sa pamamagitan umano nina Sgt. Manalo, Sgt. Raymond, Sgt. Nonoy at alyas Nani.
Iyon naman pala!
Ang tanong, alam kaya ito nina Col Revita at Gen. Dela Cruz?
Ayon sa source kasosyong laway ang mga nabanggit na ‘collect-tong’ ng mga bigating gambling operator sa pamamayagpag ng ‘gambling operation’ ang mga nabanggit na police official na tumatanggap umano ng ‘goodwill’, ‘weekly’.
Kung sensero si Nartatez na linisin ang kanyang hanay batay sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na “Internal Cleansing” sa loob ng naturang organisasyon posibleng sumabit dito sina Col Revita at Gen. Dela Cruz dahil malinaw din na paglapastangan ito sa Presidential Decree 1602 at RA 9287.
Ang ipinagtataka ng mga taga Oriental Mindoro, tila hindi prayuridad ng mga nabanggit na mga opisyal ang mga salot na sugal dahil walang nakikitang galaw mula kay Col Edison Revita at Gen. Dela Cruz para sugpuin ito.
Kung totoong nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon ang lugar na ito na pinamamayagpagan ng iligal na sugal, bakit hanggang ngayon ay wala silang aksyon?
Hindi ba’t malinaw sa tungkulin ng isang opisyal ng kapulisan na sugpuin ang lahat ng iligal partikular ang sugal sa kanilang nasasakupan.
Sa bawat araw na lumilipas walang ginagawang aksyon hingil dito ang mga nabanggit na police official, kaya’t mas tumitibay ang impresyon na baka nga may malalim na ugat ang proteksyon sa iligal na sugal?
Marapat lang na kumilos at umaksyon dito ang mas mataas na awtoridad tulad ni DILG Secretary Jonvic Remulla.
Wag bibitiw may kasunod pa!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@yahoo.com