Advertisers

Advertisers

‘LEFT BEHIND!’ LEARNING CRISIS SA PINAS, LALONG LUMALALA

0 2

Advertisers

Nagbabala ang Philippine Business for Education (PBEd) na patuloy na lumalawak ang learning gap sa Pilipinas, kung saan milyun-milyong estudyante ang nahuhuli sa pagkatuto sa kabila ng iba’t -ibang reporma at pagtaas ng pondo para sa edukasyon.

Ito ang naging sentro ng forum na “State of Philippine Education: Left Behind – As the nation pushes forward, the learning gap continues to widen,” na naglalayong suriin ang kasalukuyang kalagayan ng edukasyon at ang mga hakbang na kinakailangan upang matugunan ang lumalalang learning crisis sa bansa.



Pinangunahan ang talakayan nina PBEd Chairman Ramon R. del Rosario Jr., PBEd President Dr. Chito B. Salazar, at Executive Director Hanibal E. Camua, kasama sina Senior Program Managers Samantha L. Uichico at Clarisse G. Gomez.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Del Rosario na bagama’t maraming usaping pulitikal at krisis ang mabilis na napapalitan sa mga balita, nananatiling hindi natutugunan ang krisis sa edukasyon.



Kinilala niya ang mga positibong hakbang ng pamahalaan, kabilang ang muling pagturing ng Pangulo sa edukasyon bilang pangunahing prayoridad, ang paglalaan ng pondo na katumbas ng pandaigdigang pamantayan na apat na porsiyento ng GDP, ang pagpapatupad ng ARAL Law para sa learning recovery, ang pag-streamline ng Senior High School curriculum, at ang patuloy na pagpapalakas ng technical-vocational education.

Gayunman, iginiit niyang hindi pa rin sapat ang bilis ng mga reporma kumpara sa laki ng problemang kinakaharap ng sektor.



“The pace of reform is still nowhere near the scale or urgency of the crisis,” ani Del Rosario.

Binigyang-diin din niya na ang bawat batang Pilipino ay iisa lamang ang pagkakataong dumaan sa bawat baitang ng pag-aaral kaya’t ang bawat taong nasasayang ay hindi na maibabalik.

Ayon kay Del Rosario, ang tema ng forum na “Left Behind” ay sumasalamin sa katotohanang habang umuunlad ang bansa, marami pa ring kabataang Pilipino ang naiiwan sa edukasyon.

Inalala rin niya na noong 1991 pa lamang ay kinilala na ng unang Congressional Commission on Education ang krisis sa edukasyon, ngunit makalipas ang 35 taon ay nananatili pa rin ang maraming suliranin tulad ng kakulangan sa dekalidad na guro, aklat, silid-aralan, wastong nutrisyon, mahinang pundasyon sa pagbasa at matematika, at hindi maayos na paglipat ng mga estudyante mula paaralan patungo sa trabaho.

Aniya, ang epekto ng learning loss ay hindi na lamang nararamdaman sa loob ng silid-aralan kundi maging sa kolehiyo at sa labor market, kung saan nahihirapan ang mga employer na makahanap ng manggagawang may sapat na kasanayan habang libu-libong college graduates naman ang hindi makahanap ng trabaho.

Binigyang-diin din niya na ang krisis sa edukasyon ay kalaunan ay nagiging krisis sa ekonomiya, lalo na sa panahon ng artificial intelligence at mabilis na pagbabago ng teknolohiya.

Iginiit ng PBEd Chairman na hindi dapat nagsisimulang muli ang mga reporma sa edukasyon tuwing may bagong administrasyon.

Nanawagan siya sa pamahalaan na palakasin ang mga institusyong magtitiyak ng tuloy-tuloy na reporma, sa Kongreso na alisin ang mga hadlang sa pamamagitan ng agarang batas, sa mga lokal na pamahalaan at school leaders na bigyan ng mas malaking kapangyarihan sa pagdedesisyon, at sa pribadong sektor na maging pangmatagalang katuwang sa paghubog ng mga kasanayan, pagsuporta sa mga guro, paaralan, at paghahanda ng mga mag-aaral para sa trabaho.

Binigyang-diin din ng PBEd na ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi ang dami ng repormang inaanunsyo kundi ang aktuwal na pagbuti ng pagkatuto ng bawat batang Pilipino.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nanawagan si Del Rosario na ilagay sa sentro ng lahat ng polisiya ang kapakanan ng mag-aaral.

“Thirty-five years is long enough to diagnose the crisis. The next chapter must be about execution. Because another generation of Filipino children cannot afford to be left behind while the rest of the country moves forward,” aniya.