Advertisers

Advertisers

Paspasang pagpapa-apruba sa guidelines ng LPG Swapping Center, illegal at anti-LPG consumers

0 21

Advertisers

“Illegal ang tila paspasang pagpapa-apruba sa mga alituntunin ng LPG Swapping Centers at at hindi naaayon sa interest ng LPG end-consumers.”

Ito ang mariing ipinahayag ni National LPG Alliance of the Philippines Inc. (NLAP) President Jose “Jojo” B. Cruz III kaugnay ng pagmamadali sa pag-apruba ng mga alituntunin para sa pagtatatag at operasyon ng mga LPG Swapping Centers.

Sa isinagawang pagpupulong nitong July 30, 2026 sa tanggapan ng Department of Energy (DOE), kasama ang National Program Policy Task Force (NPPTF) at resource persons mula sa iba’t ibang DOE-recognized Liquefied Petroleum Gas (LPG) Associations, tinalakay ni Atty. Rino E. Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng DOE ang pinakabagong draft ng Guidelines for the Establishment and Operations of LPG Cylinder Swapping Centers at ang timeline para sa pag-apruba nito.

Sa panayam kay Director Abad, binigyang-diin niya na hindi na umano kailangang kunsultahin ang sampung (10) Sectoral Chairs ng pitong (7) Administrative Regions sa ilalim ng Regional Program Implementation Task Forces (RPITFs).

Aniya, dapat munang aprubahan ang mga alituntunin bago atasan ang pitong (7) RPITFs na tipunin ang kani-kanilang administrative regions upang magbigay ng kinakailangang mga detalye sa nasabing mga alituntunin.

“Kasi itong prinsipyo nasa batas ito eh. Hindi na ito pwedeng ikunsulta (sa RPITF). This is really what the law said. Ang implementation ang dapat ibaba sa RPITF paano nia gagawin which ang sinasabi sa kanila na pag dapat ng magtayo ng swapping center, paano itayo yun, yun kayo na yun, pero sabi ng batas dapat magtayo kayo ng swapping center,” ani Director Abad.

“Kasi gusto rin naman nating i-guide ang RPITF, ang problema kasi kung hindi natin ito maipapasa at didiretso sa RPITF eh wala nga silang guidance. Kaya may guidelines sila pano gagawin ang trabaho. So ilalabas talaga natin ito para guided nga ang mga sektor,” dagdag pa ni Director Abad.

Ang NPPTF, RPITF, at ang sampung (10) sektor ng industriya ng LPG ay binuo upang ipatupad ang Sections 31 at 32 ng Republic Act (RA) No. 11592 o ang LPG Industry Regulations Act of 2021, na nagtatakda ng LPG Cylinder Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program.

Gayunpaman, iginiit ng NLAP, sa pangunguna ni President Jojo, na sinang-ayunan ng mga kinatawan ng Liquefied Petroleum Gas Refillers Association (LPGRA) at Integrated LPG Distributors of the Philippines (ILDP), na dapat munang kunsultahin ng pitong (7) RPITFs ang kani-kanilang sampung (10) Sectoral Chairs bago tuluyang aprubahan ang nasabing mga alituntunin upang maisama ang kanilang mahahalagang mungkahi at komento.

Sa ilalim ng DOE at Department of Trade and Industry (DOE-DTI) Joint Department Circular No. JDC2022-11-0002 na may pamagat na “LPG Cylinder Exchange, Swapping and Improvement Program and Its Implementing Guidelines,” kinakailangang magkaroon ng kunsultasyon, pagboto, at kolektibong pagpapasya ang mga RPITFs, na siyang dapat irekomenda ng mga RPITF Chairs sa NPPTF. Hindi maaaring magrekomenda ang mga RPITF Chairs ng anumang hindi pa napag-uusapan at napagpapasyahan kasama ang kanilang sampung (10) Sectoral Chairs.

“Tila paspasan ang pag-apruba na hindi pa kinukunsulta ng mga RPITF Chairs ang kani-kanilang sampung (10) Sectoral Chairs. Sa amin sa Administrative Region IV (Metro Manila Region), ang aming kumpanya na Tong and Miles Marketing Corporation, ay ang Sectoral Chair ng mga LPG Marketers, ngunit ni minsan ay hindi pa nag-pulong ang RPITF namin, kung kaya’t noong pagpupulong sa DOE noong July 30, 2026 ay sumulat kami sa aming RPITF Chair na dapat magsagawa siya ng pagpupulong at pagkunsulta sa aming mga Sectoral Chairs bago siya magbigay ng rekomendasyon sa NPPTF patungkol sa nasabing LPG Cylinder Swapping Guidelines,” dagdag ni NLAP President Jojo.
Ang paspasang pag-pasa ng nasabing guidelines ay binabatikos dahil taliwas umano ito sa layunin ng RA No. 11592 na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga LPG end-consumers.

“Amumang implementing guidelines ay dapat na naaayon sa batas at sundin ang tamang proseso tulad ng konsultasyon sa lahat ng stakeholders para siguradong ma protetaktahan ang kapakanan, kaligtasan at interes ng LPG end-consumers—hindi ang interes ng ilang negosyante,” pahayag ng NLAP President.

Noong June 11, 2026, bumuo ang NPPTF ng isang Technical Working Group (TWG) upang gawin ang guidelines para sa pagtatatag at operasyon ng mga LPG Swapping Centers. Binigyang diin sa TWG na dapat magkaayon (aligned) ang Sections 31 at 32 ng RA No. 11592.

Nilayon ng Kongreso na magkaayon ang dalawang probisyong ito upang matiyak ang proteksyon ng LPG end-consumers, kalidad ng produkto, at kaligtasan ng publiko. Ayon sa kanila, hindi maaaring maipatupad nang magkahiwalay ang LPG Exchange and Swapping Program at ang LPG Cylinder Improvement Program.

“Panahon na upang maingat na isulat sa guidelines ang mga importante at kumpletong detalye ng dalawang programa (ang LPG Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program), na ayaw nang gawin ng ilang LPG Industry players dahil lamang sa kagustuhan nilang agarang maipatupad muna ang LPG Swapping Program kahit na “guiding principles” lamang na naman ang nakasaad para sa LPG Improvement Program. Sa ganitong kagustuhan nila ay sinasakripisyo nila ang kapakanan at interes ng mga LPG end-consumers para sa kanilang negosyo,” giit ni NLAP President Jojo.

Dahil dito, naninindigan ang NLAP na dapat unahin ang interes ng mga LPG end-consumers sa pamamagitan ng pagkunsulta muna sa mga Sectoral Chairs ng RPITFs bago aprubahan ang guidelines para sa LPG Swapping Center.

“No need to rush. Daanan natin ang tamang proseso, at huwag nating kalimutan na ang pinaka-importante rito ay ang mga LPG end-consumers na hindi ma-kompromiso ang kanilang kaligtasan,” pagtatapos ni President Jojo.