Advertisers

Advertisers

Albularyo timbog sa pag-iingat ng 3 iligal na baril sa Cavite

0 15

Advertisers

Hindi umubra ang bisa ng anting anting ng isang albularyo matapos siyang arestohin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant sa Barangay Pasong Kawayan I ng General Trias City, Cavite.

Kinilala ang suspek sa kanyang alyas na si Ka “Nilo,” 72 anyos na residente sa nasabing lugar.

Nasamsam sa operasyon ang tatlong hindi lisensyadong baril, kabilang ang isang kalibre .45 na pistola, isang kalibre .357 na rebolber, at isang kalibre .22 na rebolber, kasama ang mga magasin at bala.

Ayon sa report ni CIDG Cavite Provincial Field Unit Chief Lieutenant Colonel Mark Jayson Gatdula, kilala ang suspek bilang isang albularyo na umano’y nagbebenta ng mga agimat na sinasabing panangga sa bala. Napag-alaman din na umano’y ipinapakita nito ang bisa ng mga agimat sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril sa harap ng publiko, na nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente sa lugar.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Iginiit din ng Philippine National Police (PNP) na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga ilegal na baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko, at nagbabala na walang sinuman ang maaaring gumamit ng anumang paniniwala bilang dahilan upang labagin ang batas. (Koi Laura)