Advertisers

Advertisers

PBEd: REPORMA SA EDUKASYON, IPAGPATULOY PARA SA BAWAT MAG-AARAL!

0 13

Advertisers

Kinilala ng Philippine Business for Education (PBEd) ang patuloy na pagpapatibay ng pamahalaan sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Sa isinagawang 2026 State of Philippine Education press conference, pinahalagahan ng PBEd ang mga hakbang ng mga ahensiya ng edukasyon, lalo na ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Sec. Sonny Angara, sa pagsusulong ng mga repormang nagpapalakas sa learning recovery at nagpapahusay sa kalidad at kaugnayan ng edukasyon sa Pilipinas.



Kabilang sa mga inisyatibong binigyang-pansin ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ang patuloy na pagrarasyonalisa ng kurikulum ng Senior High School, at ang  pagpapalakas ng technical-vocational education and training (TVET).

Kasabay ng mas mataas na pamumuhunan sa edukasyon, ipinapakita ng mga repormang ito ang matatag na hangarin ng pamahalaan na tugunan ang mga matagal nang hamon sa sektor at maglatag ng mas matibay na pundasyon para sa mga Pilipinong mag-aaral.



“Kinikilala namin ang mga hakbang ng ating gobyerno sa pagsusulong ng mga repormang tumutugon sa mga matagal nang krisis sa edukasyon, “ ani PBEd Executive Director Bal Camua.

“Ang mga inisyatibong ito ay nagpapatunay na posible ang tunay na reporma. Ngunit ipinapaalala rin nito na marami pa tayong kailangang gawin. The scale of our learning crisis demands reforms that move faster, reach every learner, and endure beyond any single administration,” dagdag ni Camua.



Binigyang-diin ng PBEd na bagama’t may nakikitang positibong pag-unlad, kung gusto natin ng mas matagalang solusyon sa learning crisis, kailangan ng institusyonalisasyon ng mga reporma upang magpatuloy ang mga ito magbago man ang pamunuan ng bansa.

Ayon sa PBEd, dapat nakabatay ang mga polisiya sa edukasyon sa pangmatagalang layunin upang matiyak na naipagpapatuloy ng bawat administrasyon ang mga naunang reporma sa halip na magsimula muli. Anila, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga reporma upang matugunan ang learning loss at mapabuti ang pagkatuto ng mga estudyante.

Muling pinagtibay ng PBEd ang pangako nitong makipagtulungan sa DepEd, Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Kongreso, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga development partner upang isulong ang mga repormang nakabatay sa ebidensiya na magpapalakas sa foundational learning at magpapabuti sa pamamahala ng sektor ng edukasyon.

“Kinakailangan ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang matiyak na tuloy-tuloy na naipatutupad ang mga reporma kung saan ang bawat Pilipinong mag-aaral ay magkaroon ng mga kasanayang kailangan upang magtagumpay sa pag-aaral, trabaho, at buhay,” ani Camua.