Advertisers
INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang panukalang batas na naglalayong palakasin ang karapatan, kapakanan, at propesyonal na pag-unlad ng mga barangay health worker (BHW) sa buong bansa.
Ang Senate Bill No. 1905 sa ilalim ng Committee Report No. 35, na kilala rin bilang “Magna Carta of Barangay Health Workers,” ay naglalayong pormal na kilalanin ang mga BHW bilang mga frontliner sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan at bigyan sila ng pamantayang pagsasanay, sertipikasyon, benepisyo, at proteksiyon.
“Today, we take another important step toward giving our Barangay Health Workers the recognition, protection, and support they have long deserved,” pahayag ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, may-akda at co-sponsor ng panukala.
Sa ilalim ng panukala, ang mga rehistrado at sertipikadong volunteer BHW ay makatatanggap ng minimum na P3,000 buwanang benepisyo, bukod pa sa iba pang insentibo at suporta gaya ng transportation assistance, hazard allowance, at taunang cash gift.
Layunin din ng panukala na magbigay ng isang beses na loyalty incentive na hindi bababa sa P10,000 para sa mga BHW na nakapaglingkod nang tuluy-tuloy sa loob ng hindi bababa sa 15 taon.
Layunin din ng panukala na magtatag ng isang pormal na sistema ng sertipikasyon at mga tuloy-tuloy na programang pang-edukasyon para sa mga barangay health worker (BHW).
Sa ilalim nito, ang mga sertipikadong BHW na may hindi bababa sa limang taong tuluy-tuloy at kasiya-siyang serbisyo ay maaaring maging kwalipikado para sa sub-professional civil service eligibility, alinsunod sa mga umiiral na patakaran ng Civil Service Commission.
Bukod dito, layunin din ng panukala na bigyan ang mga BHW ng insurance coverage na idinisenyo ng pamahalaan, legal assistance para sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang opisyal na tungkulin, at access sa mga scholarship, training, livelihood, at loan programs.
Magtatatag din ng national BHW information system upang mapanatili ang talaan ng mga kwalipikasyon, mga itinalagang gawain, at mga benepisyo ng mga barangay health worker, kasama ang iba pang mahahalagang impormasyon. (Mylene Alfonso)