Advertisers
NAGHAIN si Senador Lito Lapid ng isang resolusyon sa Senado upang kilalanin at parangalan ang makasaysayang tagumpay ni Alex Eala matapos nitong masungkit ang pagkapanalo sa Mubadala DC Open sa Amerika.
Sa inilain nitong Senate Resolution No. 555, binigyang-pugay ni Lapid ang panalo ni Eala laban kay Jessica Pegula sa finals ng torneo.
Ayon kay Lapid, chairman ng Senate Committee on Games and Amusements, karapat-dapat na kilalanin ang pambihirang tagumpay ng batang tennis star na muling nagbigay ng karangalan sa Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
“Ipinamalas niya ang hindi matatawarang katatagan, kagitingan, at husay sa larangan ng tennis na muling nagbigay ng malaking karangalan sa ating bansa,” ani Lapid.
Bago nasungkit ang panalo, sunod-sunod na tinalo ni Eala ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang sina Olympic champion Zheng Qinwen ng China, reigning champion Leylah Fernandez ng Canada, WTA Tour Finals champion at world No. 10 Elina Svitolina, four-time Grand Slam champion at world No. 13 Naomi Osaka ng Japan, at 11-time WTA champion at world No. 3 Jessica Pegula ng Estados Unidos.
Sa pamamagitan ng resolusyon, hangad ni Lapid na maipahayag ng Senado ang pagkilala sa makasaysayang tagumpay ni Eala at sa inspirasyong ibinibigay nito sa mga kabataang Pilipinong nangangarap na magtagumpay sa larangan ng sports.
Una rito, nagpaabot ng pagbati si Lapid kay Eala.
“Taos-puso ko pong pinupuri at binabati si Alex Eala sa kanyang makasaysayang pagkakapanalo sa Mubadala DC Open Championship,” saad ni Lapid. (Mylene Alfonso)