Advertisers
ISINUSULONG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na gawing limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), kasabay ng panukalang ilipat sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2387, nais amyendahan ang Republic Act No. 12232 o “An Act Setting the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan, and for Other Purposes.”
Ayon kay Escudero, makatutulong ang mas mahabang termino upang maging tuloy-tuloy ang pamamahala at maisakatuparan ang mga programa para sa komunidad nang hindi naaabala ng madalas na halalan.
“Such intervention would promote continuity in governance, provide sufficient time for community development initiatives, reduce disruptions caused by frequent electoral exercises, and enable local officials to focus on public service rather than on electoral cycles,” ani Escudero.
Kung maisasabatas, isasagawa ang susunod na regular na BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre 2028 at kada limang taon na pagkatapos nito.
Nakasaad din sa panu-kala na hanggang tatlong magkakasunod na termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng mga opisyal ng barangay sa parehong posisyon, habang isang termino lamang ang papayagan para sa mga opisyal ng SK.
“Voluntary renunciation of office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of service for the full term for which the elective official was elected,” nakasaad sa panukala.
Ituturing din nakatapos na ng isang termino ang mga kasalukuyang opisyal dahil sa dalawang taong pagpapalawig ng kanilang panunungkulan.
Dahil dito, hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa 2028 ang mga incumbent na kasalukuyang nasa ikatlong magkakasunod na termino.
Nakatakda ang BSKE 2026 sa Nobyembre 2.
Samantala, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na umabot na sa tinatayang 71 milyon ang rehistradong regular na botante para sa BSKE, mas mataas kaysa sa 68 milyong naitala noong 2025 national at local elections. (Mylene Alfonso)