Advertisers
Sa kanyang ika-55 na anibersaryo nitong nakaraang ika-1 ng Agosto taong ito, isang madamdaming pagaalay ng parangal at pagkilala sa isang namayapang opisyal ng dating Philippine Constabulary na si Jose Bandong Sr, ang itinampok ng Armed Forces of the Philippines Direct Commission Class 71 sa pagbubukas at pagbasbas ng Bandong Camp sa Brgy Caturay, Bayambang, Pangasinan.
Pinangunahan ni retired Police Brigadier General Jose Castaneda Bandong Jr, Presidente ng AFP Dicom Class 71 ang pagpapasinaya sa kampong ito na tinawag niyang Bandong Camp bilang pagalala sa namayapang ama. Sa lugar na ito ani General Bandong, ang kanyang ama ay nagtatag ng isang grupo nng mga boluntaryo na pinangunahan niya sa pagsugpo ng kriminalidad at pagsupil sa paglaganap ng mga masasamang loob sa kalakhan ng Barangay Caturay at karatig na sakop ng Bayambang, isang liblib na munisipalidad nuong mga panahon yaon. Ang puso ng Pangasinan ay nasa Lingayen kung saan naroon ang sentro ng ekonomiya at kultura.
Itinampok din sa ika-55 anibersaryo ng AFP Dicom 71 ang pagpapakilala sa kanilang mga miyembro na binubuo ng Philippine Constabulary (ngayo’y kinikilala nang Philippine National Police), Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force — na ang ilan ay mga naging Heneral na aktibo ring miyembro ng AFP AGFO.
Sa pamamagitan ng masinop at matiyagang pagtataguyod ng layunin ng Dicom 71 na ang motto ay WE STAY AND CARE AS ONE, naganap ang pagpapaskel ng plake kung saan naroon ang Class Directory ng kanilang grupo at pinangunahan ito nina Gng Percie Managuelod at Dorcas Bandong ; ang pagtatayo ng Class 71 Obelisk Type Monument na nagtampok ng kanilang class logo na pinayagan at inaprubahan ng National Historical Commission – na sa apat na sulok nito ay nakaukit ang mga pangalan ng lahat ng mga miyembro, gayun din ang mga pangalan ng mga nauna nang pumanaw na mga kasama. Inalayan din ng mga bulaklak ang monumentong ito nina Gng Vangie Albano, Gemma Ancheta at Josie Arellano.
At sa huli, ang Chairman ng Dicom 71 na si MGen Lucas Malillin Managuelod ang panauhing pandangal ay nagbigay ng mensahe na pinupuri ang bawat miyembro mula sa apat na sangay ng Armed Forces of the Philippines sa kanilang marubdob na pagsuporta sa layuning sibiko na palawigin pang lalo at matularan o mahigitan pa ang kanilang natapos na matagumpay na proyekto: ang pagkakaroon ng Dicom 71 ward sa AFP Veterans Memorial Hospital sa QC kung saan ang mga miyembro ay may maituturing na ekslusibong pagamutan at pahingahan sa naturang hospital ng mga beterano ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.