Advertisers
Mahigit 12,000 sirâ at nakahilig na poste ang natuklasan sa Maynila. Hindi ito basta numero. Bawat poste ay posibleng maging sanhi ng aksidente, pagkamatay, o pagkawala ng kuryente sa oras ng kalamidad.
Ang tanong: Bakit umabot sa ganito?
Kung hindi pa nagsagawa ng sariling pagmamapa ang Manila City Hall, malalaman kaya ng publiko ang tunay na kalagayan ng libu-libong poste? O mananatili na lamang itong nakatayo, naghihintay ng susunod na bagyo o malakas na lindol bago kumilos ang may pananagutan?
Hindi biro ang kumita ng bilyun-bilyong piso taun-taon.
Kaya may karapatan ding umasa ang mga konsyumer na ang serbisyong kanilang binabayaran ay may katumbas na maayos na imprastraktura.
Hindi sapat ang pangakong “bibilisan” ang paglilinis ng mga abandonado at delikadong poste. Ang dapat itanong ay: Bakit ngayon lang?
Ilang taon nang nakatayo ang mga iyan? Ilang reklamo na ang nauna bago nagkaroon ng seryosong aksyon?
Masakit din sa bulsa ng mga konsyumer ang isyu ng system loss. Patuloy silang nagbabayad ng dagdag-singil, pero may libu-libong poste pala na hindi maayos ang kondisyon. Natural lang na itanong ng publiko kung sapat ba ang naibabalik na serbisyo kapalit ng kanilang binabayaran buwan-buwan.
Tama ang panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno na huwag mamili ng lugar na aayusin. Ang kaligtasan ay hindi dapat nakabatay kung saan mas madali o mas mura ang trabaho. Lahat ng delikadong poste ay banta sa buhay ng bawat Manileño.
Kung totoo ang pangako ng Meralco, dapat itong makita sa kalsada—hindi lamang sa press release o sa conference room.
Dapat may malinaw na iskedyul, may pananagutan, at may resulta.
Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang paliwanag. Ang kailangan ng publiko ay konkretong aksyon.
Dahil kapag bumagsak ang isang poste at may napahamak, huli na ang lahat.
At walang paliwanag na makapapalit sa isang buhay na nawala dahil sa kapabayaan.
***
Dahil sa palpak na serbisyo ng Meralco, kamakailan ay inatasan ni Yorme Isko ang Meralco na agad alisin at ayusin ang lahat ng hindi na magamit na mga poste ng kuryente sa buong Maynila, matapos matukoy ng pamahalaang lungsod na mahigit 12,000 poste ang may problema—mahigit 6,000 ang sira at mahigit 6,000 ang nakahilig.
Sa isinagawang consultative meeting kasi kaugnay ng isyu ng systems loss charges, sinabi ni Yorme na walang lugar ang dapat unahin o isantabi.
Dapat lahat ng mga sirang poste na natukoy sa pamamagitan ng ArcGIS mapping ng lungsod ay dapat tugunan ng Meralco, sabi ni Yorme Isko.
Nauna nang naitala ng City Hall ang mahigit 33,000 poste ng kuryente sa Maynila, kung saan libu-libo ang napag-alamang hindi na ligtas o hindi na maayos ang kondisyon.
Nangako naman ang mga kinatawan ng Meralco na bibilisan ang pagtanggal ng mga abandonado o hindi na ginagamit na poste at magsusumite ng iskedyul kung kailan matatapos ang clearing operations.
“Maaaring may mga pagkukulang noon, pero sinisikap nating itama ito ngayon at sa hinaharap. May kaibigan kayo sa City Hall,” pahayag ni Moreno sa mga opisyal ng Meralco.
Tiniyak din ng alkalde na poprotektahan ng Manila Police District (MPD) ang mga tauhan ng Meralco na nagsasagawa ng operasyon laban sa ilegal na koneksyon sa kuryente.
“Ang mga ito ay nagtatrabaho lang. They’re doing their job. They should not be put in harm’s way,” ani Moreno.
Sa pulong din na iyon ay ibinunyag ng Meralco na may ilang opisyal ng barangay na umano’y gumagamit ng ilegal na koneksyon sa kuryente at may mga pagkakataong hinaharang o inaantala pa ang kanilang anti-pilferage operations.
Nangako naman ang pamahalaang lungsod na makikipag-ugnayan muna sa mga kinauukulang barangay bago magsagawa ng operasyon upang maresolba ang mga isyu sa access at right-of-way.
Agad na iniutos ni Isko ang pagbuo ng isang real-time coordination channel sa pagitan ng Manila City Government, MPD, at Meralco upang mapabilis ang komunikasyon at koordinasyon sa mga operasyon.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.