Advertisers
NAG-VIRAL sa social media at idinulog kamakailan kay Bitag Advocate Against Crime and Corruption Ben Tulfo ang nag-ala Rambo na pulis na alyas Ortiga.

Si alyas Ortiga ay walang habas na nagpaputok ng AK-47 assault rifle matapos na matalo sa sugal na sakla na matagal nang inireklamo sa bayan ni Kawit, Cavite Mayor Cynthia “Armie” Aguinaldo.
Kung agad na inaksyunan ito ni Police Chief Lt. Col. Kristina Paras ay hindi na nagduda pa ang mga residente na protektado ng Local Government Unit ang talamak na pasakla ng isang alyas Eric Turoc at Bonnie sa halos 23 barangay ng bayan ng Kawit. Hindi na sana umabot pa sa paghuhurumentado ni alyas Ortiga na napurdoy sa sakla sa Brgy. Tabon.
Hindi lamang sa bayan ng Kawit talamak ang operasyon ng sakla. May 100 sakla den ang nagkalat sa mga barangay at mga lisensyadong sabungan at tupadahan sa mga bayan ng Alfonso, Mendez, Silang, Indang, Naic, Ternate, Amadeo, Maragondon, Bailen at mga lungsod ng Bacoor, Cavite at Dasmariñas. Ang Dasmariñas City ang may pinaka garapal na operasyon ng sakla. May EZ2, pick 3, loteng at online gambling naman sina alyas Jun Toto, Kap. Abner at Nitang Kabayo.
Kung hinayaan ni Cavite Gov. Gabriel “Abeng” Remulla at Acting PNP Provincial Dir. Col. Ariel Red ang pagwawala ni alyas Ortiga na isang abusadong pulis ay tiyak na hindi ito palalampasin ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
***
NAKAKABILIB si idol Sen. Robinhood Padilla, kung tunay ang pahayag ng asawa nitong si Mariel Rodriguez-Padilla na nakagawa na ng batas habang nakakulong pa ito sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Kung totoo ang pinagsasabi ng FilAm na si Mariel Rodriguez-Padilla na kilala ding actress-tv host ay magiging kauna-unahan sa buong mundo na ang isang preso ay nakagawa ng batas habang nakakulong.
Ang tumpak at totoo ay si dating Congressman Roilo Golez ang nagpanukala ng batas noong dekada ‘90 sa Kamara at isinulong naman sa Senado nina Sen. Ramon Revilla Sr. at Miriam Defensor-Santiago. Sa pagsasabatas ni dating Pres. Fidel V. Ramos ng RA 8294 ay napababa ang parusa sa illegal possession, manufacture, acquisition of firearms and ammunition na naging kaso ni Robinhood.
Si Robinhood ang isa sa mga nakinabang sa pagpasa ng naturang batas kayat tinawag itong “Robin Padilla Law”. “Nakagawa ng batas si Senador Robinhood habang nakakulong”, fake news, period!
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144