Advertisers
Ni Anne Venancio
Maghaharap bilang mag-ina at magkaribal sina Sharon Cuneta at Barbie Forteza sa bagong original series na “Honor Thy Mother,” na mapapanood simula Setyembre 11 sa Prime Video.
Inanunsyo ng Prime Video ang premiere date kasabay ng pagpapakita ng unang silip sa serye, na umiikot sa dalawang henerasyong parehong handang ipaglaban ang kanilang paninindigan at karapatan.
Sa kuwento, ginagampanan ni Cuneta ang isang makapangyarihang CEO ng negosyong pag-aari ng kanilang pamilya. Biglang magbabago ang kanyang maingat na mundong ginagalawan nang dumating ang isang krisis na maglalabas ng matagal nang nakatagong mga problema.
Samantala, si Forteza ay isang determinadong dalaga na matutuklasang siya pala ang matagal nang nawawalang anak ng karakter ni Cuneta. Sa kanilang muling pagkikita, hindi simpleng reunion ng mag-ina ang mangyayari dahil haharap sila sa matinding tunggalian.
Kailangang harapin ng dalawa ang kanilang masalimuot na nakaraan habang pinaglalaban ang kani-kanilang interes, na magtutulak sa kanila na pumili kung aayusin ba nila ang kanilang relasyon o hahayaang tuluyang sirain ito ng mga lihim at ambisyon.
Sina award-winning filmmakers Onat Diaz at Jojo Saguin ang nagdirek ng serye. Kasama rin sa cast sina John Estrada, Khalil Ramos, Tonton Gutierrez at Mercedes Cabral.
Ang “Honor Thy Mother” ang ikalawang proyekto ni Cuneta para sa Prime Video matapos ang “Saving Grace” noong 2024. Ang serye ay produkto ng collaboration ng ABS-CBN Studios at GMA Network.