Advertisers

Advertisers

SEN. ERWIN TULFO, KINONDENA ANG PAGPAYAG NG SOCMED COMPANIES SA SCHOOL SHOOTING POSTS

0 4

Advertisers

Mariing kinondena ni Senador Erwin Tulfo ang malalaking social media companies dahil sa pagpapahintulot sa pag-post at pagkalat ng mga nakakabahalang content mula sa mga nagdaang pamamaril sa mga paaralan sa Zamboanga City at Tacloban City sa kabila ng kanilang umiiral na “community standards.”

Sa isang privilege speech, kinuwestiyon ni Tulfo ang kawalan ng maagap na pagkilos ng Meta (Facebook and Instagram), YouTube, X, at TikTok sa pagtugon sa mararahas na content na may kaugnayan sa mga nagdaang insidente, at binigyang-diin ang epekto nito sa mga gumagamit, lalo na sa mga bata.

“Ang mga kumpanyang ito ay may kanya-kanyang ‘community standards’ daw. Kung malinaw talaga ang kanilang mga patakaran, bakit patuloy pa ring nakakalusot at kumakalat ang ganitong mga uri ng materyal?” tanong ni Tulfo.

“Ang krimen ay hindi pang-entertainment. Ang paghihirap ng biktima ay hindi content. At ang mukha ng isang batang biktima o suspek man ay hindi dapat maging viral material,” dagdag pa niya.

Para sa Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, may responsibilidad at kakayahan ang mga social media companies, na kumikita ng bilyon-bilyon mula sa advertisements at promotions, na pigilan ang pagkalat ng graphic content, lalo na’t ang mga usaping may kaugnayan sa mga insidenteng ito ay dumaraan pa sa proseso ng hukuman.

“Kaya kailangan nating pag-aralan ang isang batas na magpapataw ng mabibigat na multa o parusa sa mga social media platforms na paulit-ulit na nagpapalabas ng mga larawan o video na ipinagbabawal na content—lalo na at nagpapakita ng karahasan laban sa mga bata,” ani Tulfo.

“A policy written on a website means very little if your algorithms and moderators allow prohibited content to be uploaded online and remain there long enough for millions of people, including children, to see it. Let us therefore demand accountability—not to silence social media, but to make it safer,” pagtatapos pa nito. (JERRY S. TAN)