Advertisers

Advertisers

P2.697-B CONFI FUNDS SA DAVAO IPA-FRAUD AUDIT! – ABANTE

0 5

Advertisers

NANAWAGAN si Manila Representative Benny Abante nitong Martes sa Commission on Audit (COA) na alamin kung kailangan nang magsagawa ng ‘fraud audit’ sa P2.697 bilyong confidential expenses ng Davao City mula 2016 hanggang 2022.

Kasunod ito ng testimonya na nag-uugnay sa paraan ng paghawak ng confidential funds sa Davao City sa sistemang kalaunan ay ginamit naman sa Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay Abante, nagbukas ng lehitimong tanong ang testimonya ni dating OVP Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta kung dapat ding isailalim sa masusing pagsusuri ang confidential funds ng Davao City, gaya ng isinasagawa sa OVP at Department of Education (DepEd).

“Parehong SOP, parehong SDO, at parehong opisyal sa itaas – naging bisyo na ito. Kung nakikita ng COA na may sapat na dahilan para isaalang-alang ang fraud audit sa confidential funds ng OVP at DepEd, dapat ding alamin ng COA kung nararapat ang parehong pagsusuri sa Davao,” ani Abante.

Dagdag niya: “Sundan ang SOP. Sundan ang pera. Kung pareho ang sistema, dapat tingnan kung pareho rin ang problema.”

Batay sa mga rekord ng COA, umabot sa P2.697 bilyon ang confidential expenses ng Davao City mula 2016 hanggang 2022, kabilang ang 6 taon na termino ni Sara Duterte bilang alkalde.

Ang confidential expenses ng lungsod ay: P144 milyon noong 2016; P293 milyon 2017; P420 milyon 2018; at P460 milyon kada taon mula 2019 hanggang 2022.

Binigyang-diin ni Abante na hindi sinasabi ng prosecution na fraudulent ang buong P2.697 bilyon. Aniya, iyon mismo ang dapat matukoy sa pamamagitan ng isang independiyente at masusing audit.

“Hindi namin sinasabing fraudulent ang P2.697 bilyon. Ang sinasabi namin: may bagong testimonya ngayon tungkol sa paraan ng paghawak ng pera. Kaya i-audit. Alamin. Patunayan,” sabi ni Abante.

Kung lehitimo ang lahat ng transaksyon, aniya, dapat itong mapatunayan ng isang independent audit. Ngunit hindi umano sapat na sabihing na-audit na ang mga ito noon at hindi na dapat balikan matapos lumitaw ang bagong ebidensiya.

Nagpatotoo si Acosta na nagsilbi siyang SDO sa Davao City bago niya gampanan ang parehong tungkulin sa OVP.

Sa impeachment proceedings, tinanong siya kung pareho ang standard operating procedure (SOP) sa paggamit ng confidential funds sa Davao City at sa sistemang kalaunan ay sinunod sa OVP.

Sumagot siya ng “Oo”.

Ayon kay Abante, mahalaga ang testimonya dahil may mga katanungan na sa impeachment trial tungkol sa paraan ng paglalabas, pagtanggap, pagdodokumento at liquidation ng confidential funds ng OVP.

“Ang mahalagang tanong ngayon ay kung ang natuklasan sa OVP ay isang isolated practice lamang, o kung ang parehong sistema ay matagal nang ginagamit,” ani Abante.

“Hindi puwedeng hanggang OVP lang tayo kung ang mismong SDO ang nagsasabing pareho ang SOP sa Davao. Saan nagsimula ang sistemang ito? Gaano katagal itong ginawa? At higit sa lahat, saan napunta ang pera?”

Ayon pa kay Abante, sinabi ni Acosta sa pagtatanong ng depensa na walang inilabas ang COA na notice of disallowance o audit observation memorandum na tumutukoy sa confidential funds ng Davao City noong panahon ng pagkaalkalde ni Duterte.

Nguni’t hindi nito awtomatikong sinasagot ang mga bagong tanong na ibinangon ng testimonya ni Acosta.

“Ang dating regular audit ay hindi sagot sa bagong tanong kung ang mga mismong transaksyon ay nangangailangan ng fraud audit,” sabi ni Abante.

Aniya, hindi lamang dapat tingnan kung may liquidation documents, kundi kung totoo ang mismong mga transaksyon, operasyon at pinaglaanan ng pera.

“Hindi namin hinihinging may mapatunayang guilty”

Nabanggit din ni Abante na nagpahayag na ang mga opisyal ng COA sa impeachment proceedings na pinag-aaralan ng komisyon kung magsasagawa ito ng fraud audit sa confidential funds ng OVP at DepEd.

Dahil dito, sinabi niyang may sapat na dahilan upang isaalang-alang kung dapat ding palawakin ang pagsusuri at balikan ang confidential funds ng Davao City.

“P2.697 bilyon ang pinag-uusapan natin sa confidential expenses ng Davao City mula 2016 hanggang 2022. Hindi maliit na pera ito. Pera ito ng taumbayan.”

Binigyang-diin ni Abante na hindi nangangahulugan ang panawagan para sa fraud audit na hinuhusgahan na nila ang magiging resulta nito.

“Hindi namin hinihingi sa COA na may ideklarang guilty. Ang hinihingi namin ay malaman ang katotohanan.”

Kung lehitimo ang mga transaksyon, aniya, dapat itong mapatunayan sa pamamagitan ng independent examination. Ngunit kung ang parehong SOP na sinusuri ngayon sa OVP ay ginamit din sa paghawak ng bilyun-bilyong piso sa Davao, may karapatan ang sambayanang Pilipino na malaman ito.

“Parehong SOP, parehong pagsusuri. Sundan ang pera. Dapat alamin ng COA kung panahon na para sa isang fraud audit sa Davao.”