Advertisers

Advertisers

PARA KANINO NGA BA?

0 6

Advertisers

AYAW pa ring “tantanan” ni Defense Secretary Gibo Teodoro at iba pang mga “disipulo” ng ‘Tadong Unidos sa ating gobyerno ang kanilang kampanya upang siraan ang China at sirain ang ating relasyon dito.

Kahit pa “nasopla” ng Department of Justice noong isang buwan matapos ibasura ang mga bintang ni Secretary Gibo at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa isang ‘Chinese Steel Company,’ ang Philippine Sanjia Steel Corporation, dahil sa kawalan ng batayan, tuloy pa rin sila sa kanilang kampanyang ‘Let-Us-Hate-China.’

Anila, “banta” at “panganib” ang mga kumpanya ng China sa ating pambansang seguridad. Tinatakot din ang mga Pinoy sa umano’y ‘foreign malign influence’ kahit na umano sa hanay ng media.

Kung bakit China ang “pinag-iinitan” nila at hindi ang hayagan at garapal na panghihimasok ni Uncle Sam sa ating gobyerno at pagiging walang silbi ng kanilang mga base militar upang iligtas at tulungan tayo sa mga delubyo at pagbaha, hindi na rin tayo nagtataka.

Kinumpirma naman ng US Embassy na totoo ngang nagpunta ang mga sundalong Kano sa pabrika ng Sanjia Steel sa Misamis Oriental noong Agosto 19 para magsagawa ng inspeksyon at tingnan kung puwede itong magamit para sa ‘RP-US Balikatan military exercises’ sa susunod na taon.

Hmm. Dahil “natipuhan” ng mga Kano, biglang naging isang “banta sa seguridad” ang isang pabrika ng bakal na sumusuhay sa ating ekonomiya, nagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan at nagbabayad ng buwis sa ating gobyerno?

Aba, delikado ang polisiyang ganito, hindi ba, mga kabayan? Wala na palang “ligtas” na negosyo ngayon sa sarili nating bansa basta “nakursunadahan” ng mga Kano, lalo pa nga at pag-aari ito ng mga Chinese nationals?

Parang na tayo ngayong “panahon ng Hapon” na basta natipuhan ng mga “Sakang” noong World War 2, hahatakin na lang para “gahasain,” aguy!

Sa ganitong katotohanan, kailangan pa bang itanong kung “sino” talaga ang “amo” ni Secretary Gibo at mga katulad niyang opisyal sa ating gobyerno?

Kayo na ang sumagot, dear readers, hane? Basta ang malinaw, hindi tayong mga Pilipino at hindi rin ang ating gobyerno!