Advertisers

Advertisers

Bagong liderato ng QCPD, hinamon ng kalikasan

0 3

Advertisers

Bago na naman ang liderato ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang magpatupad ng pagbalasa ang Philippine National Police (PNP) – itinalagang acting District Director ng QC police force ay si BGen. Christopher Olazo habang ang pinalitan niyang na-promote sa kagalingan na si PBrig. Gen. Randy Glen Silvio ang Regional Director ng Police Regional Office 5 ngayon.

Sa pag-upo ni Olazo, humarap agad ito sa kakaibang hamon, hindi ang karaniwang giyera laban sa kriminalidad at ilegal na droga, kundi ang hagupit ng habagat at patuloy na pag-ulan sa Metro Manila.

Sa unang dalawang araw ng kanyang pamumuno, hinarap agad ni Olazo ang matinding pagsubok na ito sa kalsada sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “QCPD Operation Listo.” Sa halip na manatili sa malamig na opisina sa Camp Karingal, personal niyang inikot at ininspeksyon ang 16 na police stations at border control points sa buong lungsod.

Sa ilalim ng Operation Listo, sinuri ni Olazo ang tunay na kahandaan ng mga tauhan sa Disaster Preparedness, ang kakayahan sa Move, Shoot, Communicate, at agad naman siyang nagpadala ng puwersa sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) upang suportahan ang rescue operations at panatilihing ligtas ang mga QCitizen.

At ngayon, isang linggo na ang nakalipas mula nang siya ay nanumpa, hayun patuloy na pinatutunayan ng QCPD sa kanyang liderato na hindi nila idinadahilan ang masamang panahon para paglingkuran ang milyong QCitizen. Katunayan nga e, sa kabila ng baha at lakas ng ulan, tuloy-tuloy pa rin ang mga operasyon laban sa mga kriminal at ang pagpapatupad ng mga programa ng kapulisan.

Katunayan, kasabay ng disaster response sa ilalim ng Operation Listo, naitala rin ng QCPD sa loob lamang ng isang linggo (Agosto 24 hanggang 30) ang humigit-kumulang 2,936 na Oplan Bandillo activities sa iba’t ibang barangay sa lungsod. Sa pamamagitan ng pamamahagi ng impormasyon sa pampublikong sistema ng radyo at megaphone, pinangunahan ng Pasong Putik Proper Police Station (PS 16) na may 551 na aktibidad, Kamuning Police Station (PS 10) na may 470, at Holy Spirit Police Station (PS 14) na may 347, ang pagpapalakas ng kamalayan laban sa krimen sa gitna man ng unos.

Binigyan halaga din ni Olazo ang para sa disiplina at kapakanan ng sariling tauhan ito ay sa pamamagitan ng pagbabawal sa 24-hour straight duty at pagpapaigting din ng koordinasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte. Kung suriin, malinaw ang direksyon ng liderato ni Olazo – isang pulisya na organisado, may malasakit, at mabilis magresponde.

Hindi nag-umpisa sa madaliang pamumuno ang liderato ni Olazo, ngunit ang pagharap niya sa hamon ng kalikasan sa pamamagitan ng Operation Listo, patuloy naman ang mga matagumpay na operasyon ng pulisya tulad ng Oplan Bandillo kung saan ito ay isang magandang senyales ng liderato ni Olazo.

Kaya kung ganito kapursigido ang QCPD sa gitna ng baha at unos, may dahilan ang mga mamamayan ng Quezon City na umasa sa isang kapulisang tunay na Mabilis Umaksyon, Disiplinado, at Nararamdaman.

Iyan ang bagong liderato ng QCPD, isang linggo pa lamang ang nagdaan, pero magaganda at positibo na ang mga resulta…abangan ang mga susunod pang operasyon ng pulisya sa pamumuno ni Olazo. Mapapasakamay na kaya sa QCPD ang parangal na UPER (Unit Performance Evaluation Rating)? Si Olazo na ba ang katapat ng Eastern Police District upang maputol na ang magkakasunod na 16 na buwan parangal ng EPD bilang top one? Abangan!